Hindi pa umano tuluyang sarado ang kaso ng pagpatay sa radio broadcaster na si Percival Mabasa o Percy Lapid, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr. taliwas sa naunang pahayag ni Southern Police District (SPD) director Police Brigadier General Kirby John Kraft, na lutas na ang kaso pero tuloy ang imbestigasyon.
Ayon kay Azurin, hindi pa maituturing lutas ang kaso dahil hindi pa nalalaman ng mga nag-iimbestiga kung saan nanggaling ang utos na patayin si Lapid.
“Hindi pa natin masasabi na solved na, although, we have filed the cases already initially against kay Mr. (Joel) Escorial and ‘yung mga kasamahan niya,” sabi ni Azurin. “Because we have yet to determine nga saan nanggaling, kung totoong may mastermind, saan ba nanggaling ‘yung utos.”
Kung matatandaan, naunang sinabi ni Kraft na lutas na ang kaso dahil may nahuli nang suspek pero patuloy pa ang imbestigasyon. Ang SPD ang nakasasakop sa Las Piñas City kung saan pinaslang si Lapid noong October 3.
“Actually, nalutas na po natin ito dahil meron na tayong na-identify na mga suspek at meron na rin tayong nasa kustodiya natin, at higit sa lahat, na-file na natin ang kaso. Ito nga lang po, tinutuloy-tuloy pa rin natin ang imbestigasyon nito,” saad ni Kraft sa isang naunang pahayag.
Pero giit ng PNP chief, kailangang malaman ng mga awtoridad kung mayroon pang mga sangkot sa pagpaslang kay Lapid, at kung kinontak lang ng hinihinalang mastermind sa krimen, ang sinasabing “middlemen” na namatay sa New Bilibid Prison.
Nitong nakaraan ay naging laman ng mga balita ang pagsuko ng self-confessed gunman na si Escorial noong October 18. Ito rin ang araw na namatay umano ang itinuro nitong middleman na nakakulong na nakilala kinalaunan na si Cristito Villamor.
Bukod kay Villamor, pinangalanan din ni Escorial ang mga kasabwat niya sa pagpatay kay Lapid si Christopher Bacoto, na isa pa umanong middleman na nakakulong din at ang mga hinahanap pa na magkapatid na Edmon at Israel Dimaculangan, at isang Orlando o Orly.
Lumalabas na nagkaroon ng hemorrhage o pagdurugo sa puso ang middleman, ayon sa isinagawang autopsy ng National Bureau of Investigation (NBI).