Hindi maikakaila na noong araw ay normal na ang pagkakaroon ng mga fixer na umaaligid sa mga tanggapan ng pamahalaan upang mas mapabilis ang proseso ng mga dokumento, gaya na lamang sa Land Transportation Office (LTO).
Ang mga fixer na ito ang siyang nagiging dahilan kung bakit nagkakaroon pa rin ng korapsyon sa mga government offices na nagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan.
Bagama’t napakaunti na ito noong panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ngayon ay nagiging talamak na naman ang mga fixers sa ilang tanggapan ng gobyerno at ngayon rin ay lumelevel-up na ang mga ito.
Kasi naman, social media na rin ang paraan ng mga fixer upang makakuha ng mga parokyano, lalo na yung mga kumukuha o nagpapa-renew ng kanilang mga lisensya sa LTO.
Kaya naman nitong nakaraan ay nagpaalaala ang LTO sa publiko na huwag tangkilikin ang mga alok na serbisyo ng mga fixer sa social media sites lalo na ngayong kumakalat ang mga post sa social media kung saan nag-aalok ang ilang mga fixer na sila na ang maglalakad ng lisensya ng kanilang mga kliyente para hindi na nito kailangang sumipot sa mga opisina ng LTO.
“Ito’y klarong panlilinlang sa ating mga kababayan,” sabi ni Atty. Alex Abaton, Special Legal Assistant to the Office of the Assistant Secretary.
Ayon kay Abaton, marami na silang kinasang operasyon kasama ang Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police laban sa mga fixers. Pero aminado siyang may mga nakalulusot pa rin sa kanila.
Paliwanag ng abogado, maaari ring parusahan sa ilalim ng batas ang mga tumatangkilik ng serbisyo ng mga fixer.
“Gusto natin paalalahanan yung ating mga kababayan na hindi lang po ito kaso ng halimbawa paggamit ng pekeng driver’s license, but ultimo po yung subscriber natin dito, yung ating tumatangkilik dito, can also be held liable by the Revised Penal Code doon po sa paggamit po ng mga palsipikadong dokumento.”
Ang sinumang mahuling gumagamit ng pekeng lisensya ay maaraing pagmultahin ng P3,000. Hindi rin siya papayagang makakuha ng tunay na driver’s license o makakapagmaneho sa loob ng isang taon.
Kaya paalala lamang sa ating mga kababayan, iwasan na ang mga fixer, dahil gaya nang nauna naming nasabi, nagiging dahilan ang mga ito sa pagpapatuloy ng korapsyon sa pamahalaan.