‘Supermax’ prison, kailangan ba?

May panukala ngayong lumulutang sa Senado na nagnanais ihabol umano sa 2023 national budget ang pondo para sa pagpapasimula ng konstruksyon ng “super maximum security” cell na magiging hiwalay na bilangguan para sa mga convicted sa karumal-dumal na krimen.

Inihayag ito ni Senate President Juan Miguel Zubiri at ayon sa kanya ay nakausap na niya si Sen. Sonny Angara na chairman ng Senate Committee on Finance para hanapan ito ng budget.

Dagdag ng Senate President, suportado umano ng maraming senador ang panukala at nakausap na rin umano niya si si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may tina-target na umanong lugar para sa “superma” prison na katulad ng bilangguan sa Estados Unidos.

Kung sakali umanong maaprubahan ng Senado ang budget nito para sa pagpapatayo ng super maximum prison, kailangan rin umanong mapapayag ang Kamara pagdating ng panukalang budget sa bicameral conference committee.

Saad pa ni Zubiri, mas kailangan na umanong maging moderno at isolated na bilangguan para sa mga nagkasala sa karumal-dumal na krimen upang masawata ang patuloy nilang paggawa ng krimen tulad ng nangyayari ngayon sa New Bilibid Prisons.

“Kung isolated ang area I think it will not be detrimental sa community. Ang importante hindi makalabas ang preso, fully-secured sila. Let’s build supermax facility and make that revenue-generating facility ‘yung NBP,” sabi ni Zubiri.

Dagdag pa niya, malaking pondo ang gagamitin sa pagpapagawa ng “supermax” na may 15,000 silid.

Ang bawat selda ay may 2 preso at tig-isang oras lang sila pupuwedeng lumabas ng kanilang selda.

Nabanggit ito ni Zubiri matapos ang pagsasampa ng kaso laban sa ilang opisyal ng Bureau of Corrections kaugnay ng pagpaslang sa broadcaster na si Percy Lapid.

Sa ganang amin, maganda ang intensyon ng Senado na magkaroon ng pondo upang makapagpagawa ng panibagong penal facility, subalit mukhang hindi pa rin ito maisasakatuparan sa ngayon dahil marami pa ring hinaharap na pagsubok ang bansa.

Naririyan pa rin ang pandemya, ang mga naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad gaya ng bagyo at lindol, at ang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo sa bansa.

Kaya sana ay mapag-isipan ito ng ating mga mambabatas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *