Pitong taong impyerno ang dinanas ng isang babaeng menor na paulit-ulit na hinalay ng sariling pinsan sa Gattaran, Cagayan.
Sa ulat ni PMaj. Garry Macadangdang, hepe ng Gattaran Police, naaresto ang suspek na itinago sa pangalang Kanor sa bisa ng warrant of arrest sa kasong statutory rape, two counts of rape at acts of lasciviousness.
Napag-alamang nasa siyam na taong gulang pa lamang ang biktima, na ngayon ay 16 anyos na, nang umpisahang lurayin ng suspek.
Kapit-bahay lamang umano ng suspek ang biktima na nakatira sa kanyang lolo at lola dahil hiwalay ang mga magulang at ang kanyang nanay ay isang OFW.
Ayon sa biktima, nagaganap umano ang pananamantala ng suspek sa tuwing mahimbing nang natutulong ang kanyang lolo’t lola.
Napag-alaman ilang ulit na rin umanong nagsumbong ang biktima sa kanyang lolo’t lola pero hindi umano naniniwala ang mga ito. Nagawa pa raw saktan ang dalagita ng matatanda sa pag-aakalang gawa-gawaan lamang siya ng kuwento.
Dahil hindi na kayang sikmurain ang pambababoy ng kaanak, nagpasya ang biktima na umalis sa pangangalaga ng kanyang lolo’t lola para tumira sa kanyang tiyahin sa kalapit na barangay.
Doon nausisa ng kanyang tiyahin ang mga pasa ng biktima, dahilan upang dalhin ito sa pagamutan sa akalang minamaltrato lamang sa nilayasang bahay
Kalaunan ay umamin ang dalagita. Nabuntis rin umano siya ng kanyang pinsan at nanganak noong nakaraang Oktubre.