Isinusulong ni Davao City First District Representative Paolo Duterte ang isang panukala na layong ipakulong ang mga magulang na mapatutunayang sinasadya at paulit-ulit na hindi nagbibigay ng sustento sa kanilang mga anak.
Inihain ni Duterte ang House Bill 4807 kung saan maaaring makulong ang magulang ng dalawa hanggang apat na taon kung mapatutunayang paulit-ulit itong hindi nagbibigay ng financial support sa anak.
Itinutulak din sa ilalim ng panukala ang multang P100,000 hanggang P300,000 sa mga magulang na hindi nagbibigay ng sustento at ayon pa sa mambabatas, maaari namang mailagay sa probation ang mga magulang na first-time offender.
Dagdag niya, karamihan sa mga pabayang magulang ay mga lalaki at dapat silang patawan ng mas mahigpit na parusa kung hindi natutupad ang responsibilidad.
“Solo parents already have the responsibility of taking care of their kids on their own. They should not be burdened with the problem of compelling their irresponsible and negligent ex-partners to pay child support,” saad ni Duterte sa pahayag.
Base rin kasi sa isang pag-aaral kamakailan ng World Health Organization (WHO), nasa 15 milyon Pilipino, karamiha’y babae, ang solo parent.
Sa ilalim ng HB 4807, hindi bababa sa P6,000 kada buwan o P200 kada araw ang halaga ng ibinibigay na child support.
Puwede rin umanong itakda ang halaga ng child support sa pamamagitan ng pag-divide sa monthly net income ng parehong magulang.
Sa ilalim ng panukala, puwede ring bawalan na mabigyan ng passport o masuspende ang lisensiya ng mga pabayang magulang.
Kapag wala namang trabaho ang magulang na kailangang magbigay ng child support, puwede umano silang lumahok sa ilang programa ng gobyerno para matupad ang kanilang obligasyon.
Kasama rin umano sa panukala ang pagtatatag ng National Child Support Program sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development, na tutulong sa child support claims.
Bukod kay Duterte, principal author din ng panukala — na pending sa committee level — sina Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS party-list Reps. Edvic Yap at Jeffrey Soriano.