Kanya-kanya na ang diskarteng ginagawa ng mga may-ari ng karinderya sa Metro Manila lalo ngayong inaasahan na tataas na naman ang presyo ng liquified petroleum gas o LPG ngayong Pebrero.
Umaabot na kasi sa P9 kada kilo ang itinaas sa contract price sa world market, na katumbas ng mahigit P100 kada 11 kilogram na tangke.
Aminado ang may mga karinderya sa epekto nito lalo’t mahal pa rin ang presyo ng ilang bilihin.
Sa isang araw kasi, nasa isa hanggang dalawang tangke ang LPG ang nauubos ng mga may karinderya lalo na ang mga marami ang mga niluluto.
Kaya naman kanya-kanyang diskarte ang mga ito para makatipid.
Isa sa mga ginagawa nila ay bawasan ang lakas ng apoy para hindi gaanong makonsumo.
Dahil hindi sila basta basta makakapagpataas din sa presyo ng paninda, isa rin sa mga gagawin sakaling malaki ang dagdag sa presyo ng LPG ang bawasan na muna ang serving ng pagkain.
Ang 11 na kilo na LPG ay nasa P914 ang presyo, depende sa brand nito.
Umaasa ang mga consumer lalo na ang mga may karinderya na maliit lang ang itaas nito lalot naga-adjust pa rin sila sa pabago-bagong presyo ng bilihin gaya ng mga gulay lalo na ang sibuyas.
Hindi natin maiaalis na gumawa na ng paraan ang ating mga kababayan upang kahit paano ay makasabay pa rin sa mga nagtataasang presyo ng krudo at iba pang pangunahing bilihin.
Kailangan rin naman din nilang kumita upang masigurong maipagpapatuloy nila ang kanilang negosyo.
Sana lamang ay may magawa rin ang pamahalaan upang makatulong sa ating mga kababayang nahihirapan na dahil sa mga pagtaas ng presyo.