Mangingisda sa Batangas, naapektuhan

Inihayag ng barangay chairperson ng Palikpikan sa Balayan, Batangas nitong Miyerkules na apektado na rin ang ilang mangingisda sa Batangas ng 2 barkong sumadsad sa Balayan Bay.

“Ang mga mangingisda po namin talaga ang apektado,” sabi ni Tessie Lopez, barangay chairperson ng Palikpikan sa Balayan, Batangas.
Paliwanag ni Lopez, tuwing maglalayag ang ilang mangingisda sa kanilang lugar, malakas ang nagiging hampas ng tubig sa maliliit na sasakyang pandagat.

“Lumulubog po ‘yung mga bangka namin,” dagdag niya, “dahil iba po ang current ang lakas ng alon kapag may naka-kuwang barko dahil ang bangga [ng tubig] sa barko malakas ang balik,” sabi ni Lopez.

Sumadsad sa Balayan Bay ang bulk carriers na MV Hanako at MT Ocean Queen 9 ng Amparo Shipping Lines noong kasagsagan ng bagyong Quinta taong 2020.

Nasira na ang dalawang bahay sa lugar dahil sa pagkakasadsad ng dalawang barko, ayon sa reklamo ng mga residente.

Unti-unti na ring natitibag ang shoreline dahil nawala na ang natural flow ng alon dahil sa mga nakaharang na barko, sabi ni Batangas Coast Guard Station Commander Capt. Vic Acosta. Dagdag niya, isang “disaster waiting to happen” sa komunidad kapag hindi naalis ang barko dahil unti-unti na itong lumalapit sa pampang.

Pagsapit ng katapusan ng Pebrero ay dapat naialis na ang dalawang nakasadsad na barko, saad ni Lopez.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *