Inihayag nitong Huwebes ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. na hindi umano kasama si Philippine National Police (PNP) Gen. Rodolfo Azurin Jr. sa mga matataas na opisyal ng kapulisan na iimbestigahan kung may kinalaman sa ilegal na droga.
Ayon kay Abalos, hindi tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang courtesy resignation ni Azurin dahil malinis ang kaniyang record.
“Hindi na [siya iimbestigahan], tapos na as far as Azurin is concerned,” sabi ni Abalos.
Magugunitang hinimok ni Abalos ang mga general at colonel sa PNP na maghain ng courtesy resignation para masilip kung may kinalaman sila sa bentahan ng ilegal na droga, isang hakbang na bahagi ng internal cleansing sa kapulisan.
Noong Miyerkoles, inanunsiyo na si Azurin ang mangunguna sa 5-member advisory group na magsusuri sa mga courtesy resignation ng matataas na police official.
Naniniwala si Abalos na malaki ang problema ng droga sa hanay ng pulisya dahil mismong si Azurin ang nagrekomenda ng hakbang na himukin ang matataas na opisyal na maghain ng courtesy resignation para maimbestigahan.
“If it’s coming from the chief PNP himself suggesting na mag-resign, doon mo makikita ‘yung gravity ng problema sa loob. Ganon katindi,” ani Abalos.
Makakasama ni Azurin sa panel si dating Defense Secretary Gilbert Teodoro, dating CIDG Chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Retired Major General Isagani Nerez at isa pang miyembro na ayon kay Abalos ay ayaw pang ipalabas ang kaniyang pangalan.