SINGLE TICKETING SYSTEM, INAPRUBAHAN

Inaprubahan na ng Metro Manila Council (MMC) ang single ticketing system na magpapadali ng pagbabayad ng mga multa sa traffic violations at sa ilalim ng resolusyon, magiging pare-pareho na ang multa sa mga karaniwang traffic violations kahit nasaang lungsod ka pa sa Metro Manila.

Kasama na rin dito ang disregarding traffic signs, illegal parking, number coding at reckless driving na may standard nang multa.

Dahil mababayaran na ang multa online, hindi na kukumpiskahin ang lisensiya ng driver na may paglabag.

“Hindi na kukumpiskahin ang kanilang lisensiya, kung sila man ay matiketan, puwede na silang magbayad kung saan man sila sa Pilipinas, kaya hindi na nangyayari na kailangan pa pumunta sa city hall tubusin ang lisesnya at magbayad nito,” saad ni Metro Manila Council president Francis Zamora.

Sa Abril target ng MMC na maipatupad ang sistema.

Aayusin pa umano ng Metropolitan Manila Development Authority ang integration ng database ng mga lisensiya at pagbili ng mga hardware.

Nakapaloob din sa resolusyon ang no-contact apprehension policy na ipatutupad kung papayagan na ng Supreme Court.

Samantala, pabor sa sistema ang transport network vehicle service (TNVS) driver na si Rotelito Banal, na naranasan nang malito sa halaga ng multa.

“Sa Parañaque, ‘di ko alam na nahuli pala… Kung iisa lang, alam na namin ang ganyan ang tubos, hindi ‘yong kanya-kanya,” saad ni Banal.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *