Inihayag ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa nitong Sabado na imbes na magreklamo ang mga kabataan ay dapat ihanda na nila ang kanilang mga sarili sa planong pagbabalik ng Reserve Officers’ Training Corps o ROTC sa mga eskuwelahan.
Sa isang panayam, sinabi ni Dela Rosa na kailangang ibalik ang ROTC para magkaroon ng dagdag na puwersa ang Pilipinas sa oras ng tangkang panghihimasok ng ibang bansa, tuwing may sakuna, at krisis.
“Iyong ating kabataan, instead na magsige reklamo, magsigeng TikTok-TikTok lang diyan, dapat ihanda natin ang ating kabataan para gampanan ‘yung kanilang constitutional duty na depensahan ang ating bayan sa panahon ng pangangailangan,” sabi ni Dela Rosa.
Magpapatuloy sa Lunes ang pagdinig ng Senado patungkol sa isinusulong ni Dela Rosa na mandatory ROTC sa mga kabataan.
Dagadag pa ng senador, matututuhan din umano sa ROTC program ang moral values, personal discipline, love of country, patriotism, nationalism, respect for human rights, adherence to the constitution, at marami pang iba.
Iginiit niyang ayon sa Konstitusyon, puwedeng i-require ng gobyerno ang lahat ng mamamayan na magsilbi sa militar kung kinakailangan.
“Alam natin may looming threat tayo dito sa South China Sea, ‘yung pag-occupy ng China diyan sa ating mga teritoryo diyan sa South China Sea. Kailangan ready tayo, dahan-dahan na silang umaabante dito. ‘Yung harapan ng Palawan natin, nakikita na ‘yung mga presensiya nila diyan,” sabi ni Dela Rosa.
“National defense is the strength of the country. If you have a weak national defense then you have a weak country. You cannot be respected. Puwede kang bully-bully-hin lang ng mga kapitbahay mo because [para sa kanila] mahina ka, mahina ka na bansa. So kailangan talaga natin, strengthen ‘yung ating national defense capability through the imposition of mandatory [ROTC],” dagdag niya.
Isa sa dahilan kaya tinanggal na ang mandatory ROTC sa mga paaralan ay dahil sa isyu ng korupsiyon at pang-aabuso.
Pero sabi ni Dela Rosa, may mga inilatag na proteksiyon ang bagong bersiyon ng programa.
“Naglagay tayo ng grievance board. Ito ay bubuuhin ng taga-DND, taga-TESDA, taga-CHED at school mismo para ito ‘yung mag-address sa mga problema sa corruption, abuse na nagaganap sa ROTC. Kahit walang complainant, basta meron silang na-oobserba o may nakarating sa kanilang balita na merong ganitong nangyayari, motu propio they can investigate sa allegation,” aniya.
Hindi rin puro “militaristic” ang ituturo sa bagong ROTC, ayon kay Dela Rosa.
“Maybe 50 percent is military, 25 percent is disaster response, 25 percentis for personal development. ‘Yung lahat-lahat ng moral values mga personal discipline, dito nila matutuhan. Kaya all-encompassing itong mandatory ROTC program.”