Protesta sa pagmimina, napuno ng tensyon

Nabalot ng tensyon ang isinagawang pagprotesta sa ginagawang pagmimina ng isang kompanya sa Sibuyan Island sa Romblon dahil nauwi ito sa tulakan ang paninita ng mga pulis sa ilang nagpoprotesta at may ilang mga video ang nagpapakita na nagkakatulakan ang mga pulis at mga nagpoprotesta na nangyari sa bayan sa Barangay Espana sa San Fernando.

Ayon sa lokal na pamahalaan, may permit umano mula sa national government ang pagmimina.

Hinaharang umano ng mga residente ang malalaking truck na ginagamit ng kompanya sa pagmimina tone-toneladang nickel ore sa lugar.

Kumilos naman ang mga pulis para makadaan ang mga truck. May residente rin na makikitang pinoposasan ng mga pulis pero pinakawalan din umano.

Napag-alaman na 11 araw nang nagtitipon-tipon ang mga residente na kontra sa ginagawang pagmimina sa lugar.

Kinondena ng anti-mining group na Alyansa Tigil Mina ang ginawa umanong panggigipit ng mga pulis sa mga nagpoprotesta.

Tinututulan ng mga residente ang ginagawang pagmimina ng kompanyang Atlai Philippines Mining Corporation.

“Nagputol sila ng punong kahoy, nagkalkal ng seven meters na mga lupa at ikakarga doon sa malaking barko na nandyan simula pa noong last week, Lunes. Kaya tuloy-tuloy ang pagbarikada ng mga tao,” saad ni Rodne Galicha ng Living Laudato Si Philippines.

Ayon kay San Fernando, Romblon Mayor Nanette Tansingco, sinabihan niya ang kapulisan na pairalin ang maximum tolerance.

“Ang sinasabi ko sa PNP ko dito is mag-maintain sila ng peace and order at saka maximum tolerance, at hindi po ba sila ‘yung nag-i-enforce ng laws when it comes to peace and order,” saad ng alkalde.

Ipinahinto na umano ng lokal na pamahalaan ang mga aktibidad ng pagmimina ng kompanya sa pantalan mula noong Enero.

Pero dumating umano ang mga barge na may dalang permit mula sa national government kaya wala nang nagawa ang LGU.

Hinihingan ng pahayag ng GMA Integrated News ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang Philippine Ports Authority (PPA) sa naturang usapin.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *