Tuwang-tuwa ngayon ang aktres na si Lovely Abella matapos marinig ang heartbeat ng kanyang “miracle baby” at sa kanyang IG ay ibinahagi niya ang picture at video ng isinagawang ultrasound.
Nakuwento din ng aktres na kinabahan talaga siya sa ilang linggong pag-aantay bago makapag-ultrasound.
Paliwanag niya, posible kasing maging “Blighted Ovum” o hindi mabuo ang embryo na nasa kanyang sinapupunan.
“Lord napakabuti mo salamat po, 2 weeks kaming nag antay na kahit sumilip lang siya sa amin, dahil pwede pala na maging Blighted Ovum (bugok na pagbubuntis) grabe sa halos 1 week na natira sa pag aantay namin,” caption ni Lovely sa IG.
Bagamat naging overthinker siya dahil tinamaan din siya ng COVID-19 ay mas nanaig ang kanyang tiwala sa Diyos na maging okay ang kanyang pagbubuntis.
“Lahat ng pwedeng isipin maiisip ko na ata, pero yung pagkapit namin kay Lord ang hindi mawala. Kung ano man ang plano niya sa buhay namin dahil yun ang tinadhana niya sa amin, at kahit masaktan pa kami tatanggapin namin lalo na nung oras din na nabuntis ako heto yung nagka-covid ako, kaya dami ko naiisip,” sabi pa ng aktres.
Nagpasalamat si Lovely sa lahat ng nagdasal para sa kanyang paggaling at finally ay narinig na rin niya ang heartbeat ng kanyang anak.
“Prayers work talaga daming nagdasal para sa amin, Pastors and Friends from our victory church, Family and Friends at kahit nga mga nakapanood at zuki namin pinagdasal kami,” lahad sa post.
Dagdag pa ng actress-comedienne, “walang imposible pag sa kanya lang kayo kakapit, di na namin hawak ang heartbeat ni baby, pero heto nga talagang binigay niya sa amin, at gusto ko mag-celebrate kasama kayo by posting this.”