RANARA, NAILIBING NA

Nailibing na ang mga labi ng overseas Filipino worker sa Kuwait na si Jullebee Ranara nitong Linggo matapos siyang paslanging ng anak ng kanyang amo sa Kuwait nitong nakaraan.

Alas-8 ng umaga nang umusad ang funeral cortege ni Ranara at bumuhos ang mga kaanak at kaibigan na naghatid sa kanya sa Golden Haven Memorial Park sa Las Piñas City.

Nagkaroon ng maikling programa kung saan nagsalita ang ilang kapamilya at kaibigan ni Ranara, na nagpasalamat sa lahat ng nakiramay.

Ikinuwento ni Jenny Magay, pinsan ni Ranara, kung gaano kabait ang napaslang na OFW.

Noong una aniya’y hindi siya naniwala sa sinapit ng pinsan.

“Hindi kami naniniwala hangga’t hindi namin nakikita na siya po talaga ‘yon. Kasi wala po talaga sa isip namin na mangyayari sa kaniya ‘yon,” ani Magay.

“Hangad namin ang hustisya para sa pinsan namin,” dagdag niya.

Hindi naman napigilan ng pamilya ang kanilang matinding pagdadalamhti at hinimatay ang isa sa tiyahin ni Ranara.

Ayon naman kay Overseas Workers Welfare Administration administrator Arnell Ignacio, tuloy pa rin ang pagtulong ng pamahalaan para makamit ang hustisya para kay Ranara.

“Ang susunod na hakbang natin ‘yong hustisya na hinihiling at kailangan na maibigay sa pamilya at kay Jullebee,” saad ni Ignacio.

Nakipaglibing din ang dalawang kapatid ni Joanna Demafelis, ang OFW na pinaslang din sa Kuwait noong 2018.

Ayon kay Joyce Demafelis, ramdam niya ang sakit na nararamdaman ng pamilya Ranara.

“Sana mabigyan po sila ng hustisya agad-agad, hindi gaya sa amin, sobrang tagal po, at sana mabigyan na din po hustisya sa amin,” sabi ni Demafelis.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *