Nitong nakaraan ay lumutang ang isang panukala na dapat umanong mabigyan ng karagdagang benepisyo ang mga dating pangulo ng bansa.
Ang panukalang Senate Bill 1784 o Former President’s Benefit Act of 2023 na inihain nina Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, Mark Villar, Francis Tolentino, at Ronald “Bato” dela Rosa ay nagsasabing kahit tapos na ang termino ay kumakatawan pa rin sa bansa ang dating pangulo at nakapagbibigay-kontribusyon ang kanilang pananaw sa ibang importanteng isyu.
Kung maisasabatas ito, bibigyan ng karagdagang 3 security detail mula sa Presidential Security Group ang dating pangulo habambuhay, habang 2 security detail naman ang ibibigay sa kanyang pamilya habang siya’s nabubuhay.
Bibigyan din ng sariling opisina at staff ang dating pangulo, na babayaran sa ilalim ng General Appropriations Act.
Ayon sa panukala, inaasahan ang post-presidential duties, gaya ng pakikipagpulong sa mga foreign at local dignitaries, o pagdalo sa mga public events na nangangailangan ng serbisyo ng staff at pribadong opisina.
Ayon naman kay Dr. Jean Franco ng University of the Philippines (UP) Department of Political Science, kung talagang kailangan pa ng staff at opisina ng dating Pangulo, dapat na itong manggaling sa sarili nilang bulsa.
Ito’y lalo’t hindi naman garantisadong maiimbitahan sila ng mga international organizations.
“Malabo yun kasi unang-una hindi na siya, wala na siyang accountability kasi hindi na siya elected. Tapos na yung term,” saad ni Franco.
“Pangalawa, hindi rin naman siya civil servant. So kung bibigyan pa siya ng kaukulang budget, para saan ‘yon at paano niya, I mean anong incentive niya para mag-report kung paano niya ginamit yun?”
Tatlo na lang ang buhay pang mga dating pangulo ng bansa: sina Joseph “Erap” Estrada, Gloria Macapagal Arroyo, at Rodrigo Duterte.
Sa tingin namin, mukhang hindi na kailangan pang madagdagan ang benepisyo ng mga nagsilbing Pangulo ng bansa dahil sapat na siguro ang anim na taong panunungkulan nila na may mga karampatang benepisyo.