Naaresto na ng mga otoridad nitong Lunes ang umano’y mastermind sa pamamaril sa isang babaeng empleyado ng Office of the Ombudsman noong Miyerkules.
Sa report ng QCPD, nasa tapat ng isang bangko sa Quezon Avenue, ang 38 anyos na biktima nang lumapit sa kaniya ang suspek, hinablot nito ang bag ng biktima at binaril ito. Nagtamo ng tama ng bala sa kanang dibdib ang biktima.
Kinilala naman ang gunman na si Marlon Ayup Nery, residente ng Bayaya St., Bungad, Quezon City at itinuro nito ang isang nagngangalang Dexter Cruz na ka-trabaho ng biktima, na umano’y mastermind sa pamamaril.
Ayon kay Nery, pinangakuan umano siya ni Cruz na tutulungang mapawalang sala sa kasong illegal possession of firearms kaya nagawa niya ang krimen.
Inamin din ni Nery na tumanggap siya ng P30,000 mula kay Cruz bago ang pamamaril.
“Dati po niya kong kasama sa bumbero volunteer. Naipit lang po talaga ko doon sa kaso ko sabi niya matutulungan niya ko. Hindi naman po dapat ako yung gagawa noon yung kausap ko eh umatras po. Humihingi po akong patawad doon sa pamilya,” dagdag ni Nery.
Kwento pa ni Nery, bago ang insidente naikwento ni Cruz ang problema umano nito ang mga Facebook post ng biktima.
Hindi naman idinetalye ni Nery kung ano ang nilalaman ng Facebook post.
“Kinwento niya sa akin na may problema siya roon sa babae, ginigipit po siya sa Facebook,” dagdag ni Nery.
Mariin namang itinanggi ni Cruz na nagkaroon sila ng relasyon ng biktima.
Kinumpirma naman ang ina ng biktima na minsan silang nagkita ni Cruz sa kanilang bahay.
“Actually, na-meet ko once. Pinakilala … bilang friend,” dagdag ng ina ng biktima.
Ayon naman kay QCPD District Director Police Brigadier General Nicolas Torre III, minanmanan nila si Nery na nagpalipat-lipat ng mga pinupuntahan bago umuwi sa kanilang bahay.
“Na-backtrack namin gamit ang mga CCTV sa Quezon City at nakita namin na hindi ito simpleng robbery.” dagdag ni Torre.
Natunton naman ng pulisya si Cruz sa Barangay Culiat matapos hainan ng warrant of arrest dahil sa ibang kaso.
“Siya ay may standing warrant of arrest for bigamy,” dagdag ni Torre.
Nagkataon nagkita sila ni Nery sa Kampo Karingal at itinuro si Cruz na siyang nag utos umano sa kanya para barilin ang biktima.
Todo tanggi naman si Cruz na siya ang nagpabaril sa kanyang ka-trabaho.
Ayon kay Torre, personal na away at hindi pagnanakaw ang tunay na motibo sa pamamaril.
Samantala, ayon sa ina ng biktima, kritikal pa rin ang kondisyon ng kanyang anak.
Narekober naman ng pulisya sa posesyon ni Nery ang dalawang baril, tatlong cellphone at motorsiklong ginamit sa krimen.
Isinampa na ang kasong frustrated murder laban kina Nery at Cruz na ngayon ay pawang nakakulong na sa Kampo Karingal.