DMW, NAGPATUPAD NG TEMPORARY BAN

Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Miyerkules na magpapatupad na ito ng temporary ban sa pagpapapunta ng mga first-time overseas Filipino workers (OFW), partikular ang mga domestic helper sa Kuwait.

Ayon kay DMW Secretary Susan Ople, mananatili ang ban sa Kuwait “until significant reforms have been made resulting from upcoming bilateral talks sa nasabing bansa.”

“‘Yung mga baguhan, never before nag-work as kasambahays abroad or ‘yung nag-work as kasambahays pero hindi sa Kuwait ay kailangan maghintay muna dahil nais tiyakin ng department na may mas maayos na monitoring at mas mabilis na response system in place bago sila tumungo doon,” saad ni Ople.

Dagdag pa niya, maaari umanong mag-apply ang mga nais na maging domestic worker sa ibang bansa tulad ng Hong Kong at Singapore.
Tiwala naman si Ople na magkakaroon ng magandang pagbabago sa umiiral na bilateral labor agreement sa Philippines at Kuwait kapag natapos na ang pag-uusap.

“Why not just impose a total deployment ban? Because there are actual OFWs who have already worked in Kuwait for several years who still want to go back to their old employers or seek new ones. We have also been informed through diplomatic channels of the willingness of the Kuwait government to engage in bilateral labor talks. We are preparing well in advance for these talks, bringing with us an accumulation of abuse done over the years, hence the need for significant changes,” saad ni Ople.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Undersecretary Maria Anthonette Velasco-Allones, na ang kautusan ay pagpapakita na bukas din si Ople sa mga mungkahi ng deployment ban sa Kuwait.

“Bukas si Secretary Toots at suportado niya po ang panukala ninyo na mag-impose ng targeted ban. So by that, we mean ‘yung ban na iimpose ay para po sa mga household workers bound for Kuwait na mga new hires po,” ani Velasco-Allones.

“Ang sabi ni Secretary Toots na, in the immediate, ito ay ating i-ban muna habang may pag-uusap pong nagaganap,” dagdag niya.

Hindi nakadalo sa pagdinig si Ople dahil kasama siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagtungo sa Japan.

Sinabi rin ni Velasco-Allones sa mga senador na may ipinadala silang fact-finding team sa Kuwait na nagsagawa ng pag-aaral at kumalap ng mga impormasyon para malaman ang tunay na sitwasyon ng mga OFW sa lugar.

“Ang sabi po ni Secretary Toots maganda na evidence-based at may data rin po na mai-submit sa inyo na manggaling din sa baba,” ayon sa opisyal.

Sabi pa niya, lumilitaw sa pag-aaral ng DMW na hindi na nagkakaroon ng mga problema ang mga OFW na ilan taong nang nagtatrabaho sa Kuwait dahil pamilyar na sila sa kultura.

“’Yun pong mga balik-manggagawa, mga pitong beses na, anim na beses na, kabisado na po nila ‘yung kanilang employer, ‘yung kultura, ‘yung mga patakaran, hindi naman po tayo nagkakaroon ng mga problema sa ganon. Ang bulto po ng ating mga problema ng pagkaroon po ng maltrato ay nandon po sa mga new hires na umaalis,” ayon sa opisyal.

Ipinatupad ang temporary ban kasunod ng pagkasawi ni Jullebee Ranara na kagagawan umano ng 17-anyos na anak ng kaniyang amo. Bukod dito, ilang insidente pa ng pagmamaltrato sa mga kasambahay na Pinay doon ang iniulat.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *