Nangangamba ang ilang tsuper na hindi pa miyembro ng kooperatiba na maputol ang kanilang kabuhayan dahil sa pag-aalinlangan ng kanilang mga operator na sumama sa cooperatives.
Ito ay kasunod ng inaasahan na paglalabas ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng bagong guidelines sa PUV Modernization Program kasunod ng pag-extend ng deadline nito mula sa March 31.
Wala pang ibinibigay na bagong deadline ang LTFRB pero inaasahang iaanunsyo ito kasabay ng ilang bagong polisiya sa susunod na linggo.
Una nang sinabi ng LTFRB na pinalawig ang deadline para bigyan ng mas mahabang panahon ang mga operator para makapag-consolidate at makabuo o makasama sa mga kooperatiba.
Ayon sa ilang mga tsuper, gastos sa modernisasyon ng kanilang units ang pangunahing problema umano ng mga operator.
“Dahil nga mahal ang halaga ng unit, kailangan mo pa ng konduktor. Mahal ang maintenance. Ilang taong huhulugan mo ang unit na mapupunta sa ‘yo,” saad ng isang jeepney driver.
May ilang drayber naman na kasama na sa kooperatiba ang operator pero nagdadalawang-isip din sa pagkuha ng bagong unit.
“Tinatanong ko nga eh. Ang sabi, ‘Naku magkakautang pa ako diyan, eh milyon ang halaga niyan.’ Imbes na walang utang, magkakaroon ka pa ng babayaran. Mainam sana sa mga drayber para malamig lalo kung summer,” saad ng isa pang drayber.
Sa ilalim ng programa, nag-aalok din ng expanded equity subsidy sa mga operator na balak mag-apply ng loan sa mga pribadong bangko na nagkakahalaga ng P210,000 hanggang P360,000.
Sana ay may makita pang mas mainam na solusyon para ating mga drayber na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakabangon mula sa epekto ng pandemya at nang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng krudo at ilang pangunahing bilihin.