Kung matutuloy ang plano ng Department of Agriculture na maglagay ng accredited Kadiwa Stores sa mga palengke sa Metro Manila bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, inaasahang magiging malaking tulong ito para sa ating mga kababayan.
Ayon kay Assistant Secretary Kristine Evangelista, mapapababa ang presyo ng agricultural products kung direktang kukuha ng mga produkto ang mga retailer sa mga magsasaka kaya naman makikipag-ugnayan ang DA sa farmer cooperatives na handang magbagsak ng kanilang mga produkto sa mga palengke.
“Kung ang ating mga retailer ay magpapatong ng kahit P10 sa ibabagsak ng magsasaka, makakakuha tayo sa palengke na P20 cheaper than the prices we see now sa mga palengke,” ayon kay Evangelista.
Isa rin sa nakikitang problema ngayon ng DA na dahilan ng pagtaas ng presyo ang mga trader at middleman.
“Ito ang pamamaraan para mahikayat sila na magshift ng supplier dahil ang objective is mapababa ang presyo sa palengke… This is our way of hopefully influencing ‘yong mga presyo sa palengke dahil ang daming layers bago makarating sa retailer,” saad ni Evangelista.
Target ng DA na magkaroon ng accredited Kadiwa Stores sa tatlong palengke kada lungsod.
Balak itong maisakatuparan hanggang Marso kaya inaayos ng kagawaran ang implementing rules ng programa.
Ilan sa mga produktong prayoridad na maibenta sa accredited Kadiwa Stores ay sibuyas, bawang, itlog, at kamatis na nagkaproblema sa suplay nitong mga nakaraang buwan.
Bukod sa Kadiwa Stores, pinag-aaralan din ang pagtatag ng mga bagsakan na isasailalim sa gobyerno.
Sana nga ay matuloy ang panukalang ito dahil siguradong makakatulong ito ng malaki sa ating mga kababayang naghihikahos ngayon dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.