Nitong nakaraan ay nagpaliwanag si Janella Salvador tungkol sa viral kissing scene nila ni Joshua Garcia sa Kapamilya action-fantasy series na “Darna.”
Ayon sa aktres, hindi sila nagkailangan ng aktor habang naghahalikan sa harap ng mga camera dahil komportable na raw sila sa isa’t isa.
Bukod sa nagkatrabaho na sila noon ay napag-usapan na raw nila ang naturang kissing scene bago pa kunan ang eksena.
“Actually when we did it, hindi naman awkward kasi beforehand, pinag-usapan namin na, ‘Oh, we’re gonna have a kissing scene.’ Actually not just one kissing scene, basta malala pa siya, so first time ko ‘yon gawin on-screen,” saad ng aktres.
“But since comfortable naman ako kay Josh especially no’ng time na ‘yon, it wasn’t awkward naman. Naka-5 days kami,” dagdag pa niya.
Hindi nakarating si Joshua sa nasabing presscon kaya hindi nakuha ng press ang kanyang experience sa viral “higupan” scene nila ni Janella.
Samantala, bago nga tuluyang magpaalam sa ere ang “Darna” ay naging hot topic din sa social media ang pagpapabago ng hair style ni Janella.
Ibig sabihin, handa na siyang mag-move on mula sa pagganap na Valentina sa “Darna.”
Sa kanyang social media post last February 6, ibinandera ni Janella ang kanyang new look courtesy of celebrity hairstylist Jing Monis. Aniya sa caption, “Entering her ginger era or somethin.”