Maipatupad sana

Isang napakalaking hamon para sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang problema sa pabahay sa bansa dahil kahit noong mga nagdaang administrasyon ay isa ito sa malaking problemang hinarap.

Mabigat din ang naging pahayag ng Pangulo na target niyang makagawa ng isang milyong pabahay sa bawat taon ng kanyang termino at kung susumahin, anim na milyong pabahay ang kanilang target na matapos.

Marami ang magiging benepisyaryo ng mga pabahay na ito at ang isa pang magandang balita ay pasok na rin ang mga empleyado ng barangay sa mga benepisyaryo ng programang pabahay ng pamahalaan.

Batay ito sa probisyon ng isang memoranudm of understanding na nilagdaan kamakaialn nina Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Rizalino Acuzar at Interior Secretary Benhur Abalos.

Base sa kasunduan, magtatayo ng housing units para sa mga mahihirap na barangay worker at informal settler sa ilalim ng “Pambansang Pabahay” program.

Target sa kasunduan ang mga mahihirap na barangay tanod, day care teachers, response team workers at iba pang kuwalipikadong empleyado, maging ang mga permanent, contractual o casual workers.

“Sa tulong po ng DILG (Department of the Interior and Local Government), we are finally bringing our program to the barangay level,” saad ni Acuzar.

“Sa ilalim po ng pinirmahan nating MOU ay magtatayo po tayo ng pabahay para sa mga kapuwa nating lingkod-bayan na nagtatrabaho sa barangay at iba pang qualified beneficiaries,” dagdag niya.

Kasama rin sa programa ang informal settler families bilang buyer-beneficiaries ng affordable housing units.

Isang napakalaking tulong nito sa ating mga barangay workers kung maipatupad na, kaya naman umaasa kami na sana ay walang mangyaring aberya sa proyektong ito ng pamahalaan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *