Iniulat ng mga otoridad nitong Sabado na sugatan umano ang dalawa sa tatlong sakay ng isang motorcycle taxi matapos silang ma-hit and run ng isang sasakyan sa Las Piñas City at ang insidente ay nahagip ng CCTV sa lugar.
Sa paunang imbestigasyon, napanood umano sa CCTV ng Barangay Talon Uno na nakatigil ang mga biktima sa intersection ng Alabang-Zapote Road dahil naka-pula pa ang traffic light at ilang saglit pa, may isang puting sasakyan na dumaan at bumangga sa kanila, kaya napahiga sa kalsada ang mga biktima.
Sa halip na tumigil, humarurot ang sasakyan at umalis pero natanggal ang bumper ng sasakyan sa lakas ng pagkakabangga kaya naplakahan ito ng mga biktima.
Nagkasugat sa likod ng braso ang dalawa sa mga biktima.
Hindi pa makapasok ang mga biktima sa trabaho dahil sa sakit ng katawan.
Narekober na ng mga awtoridad ang sasakyan na nakasagasa sa tatlo pero patuloy na hinahanap ang driver ng kotse.
Sa ibang balita, isang lalaki ang namatay matapos makuryente habang nagpapalipad ng saranggola sa Catanauan, Batangas.
Kinilala ang biktima na si Darwin Rogel na nakuryente nang madikit ang kanyang katawan sa live wire na nakalambitin sa isang bakanteng lote.
Dinala siya sa ospital ngunit dineklarang dead on arrival.
“Nauunawaan naman po ng family kasi hindi naman po sinasadya ‘yung pangyayari,” sabi ni Police Maj. Lawrence Panganiban, chief of police ng Catanauan.
Samantala, isang barangay chairman ang nasuntok nang mauwi sa rambulang ang isang laro ng basketball game sa Tarlac City at nagsimula raw ang gulo sa bangayan ng mga supporters ng dalawang koponan.
Nadamay naman sa away si Chairman Rael Gatus ng Barangay Mapalacsiao na aawat lamang sana.
“’Yung bata, akala niya siguro ay kaaway ko ang tatay niya, kaya sinuntok niya ako,” sabi in Gatus. “Hindi niya alam na ako ang barangay chairman.”