Habang nalalapit na ang pasukan sa mga paaralan, humihirit ang ilang grupo ng school service operator na payagan silang magdagdag ng kapasidad at ma-exempt sa number coding scheme.
Ito ay upang masigurong magiging maayos ang kanilang serbisyo sa paghahatid at pagsusundo sa mga estudyante sa pagsisimula ng klase sa Agosto 22.
Ayon kay National Alliance of School Service Association president Celso Dela Paz, hirap silang punan ang pangangailangan sa school service ngayong 10 pasahero lang ang pinapayagang silang isakay ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB).
Mula 50 units ng school service, nangalahati na rin ang bilang ng sasakyan ng operators dahil sa COVID-19 pandemic.
“Dati kami ang naghahanap ng pasahero. Ngayon, kami ang hinahanap ng pasahero,” sabi ni Dela Paz.
“Karamihan ng units namin, mga utang. Noong pine-phase out nila kami, gumawa ng paraan ang mga operator para makapag-down [payment] ng bagong unit. Kaso nag-pandemic, nakuha ng bangko karamihan,” dagdag niya.
Nasa P3,000 kada buwan ang rate ng mga operator sa Marikina, na ayon kay Dela Paz ay mababa na dahil sa taas ng presyo ng krudo.
Nakiusap din ang grupo na huwag nang samahan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa paghatid-sundo dahil bilang sila sa 10 seating capacity.
“Mismong mga magulang pinipilit na may yaya mga anak. Siyempre sa first day hindi magpapaiwan. Sa 10 ulo, sigurado lugi kami. Baka hindi kami tumakbo,” ani Dela Paz.
Nais din ng grupong gawing exempted ang mga school service sa number coding, na ibinalik sa pre-pandemic scheme ngayong Lunes, dahil wala silang pamalit sa unit sakaling coding ang sasakyan.
Ininspeksyon naman ng mga tauhan ng LTFRB ang school service units para matiyak na kumpleto ang mga ito sa gamit, tulad ng medical kit at early warning devices.
Maghihigpit din ang grupo nila Dela Paz sa pagtanggap ng mga estudayante sa school service at tanging mga bakunadong estudyante ang papayagang maka-avail ng kanilang serbisyo at dapat mula sa 1 eskwelahan lang ang sakay ng bawat unit.
Nakatakdang mag-umpisa ang klase sa Agosto 22 pero puwede pa ang distance at blended learning hanggang Oktubre 31. Pagsapit ng Nobyembre, kailangang mag-full face-to-face classes na ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan.
Sana nga ay mapagbigyan ang hiling ng mga school service operators, dahil kapakanan rin naman ng mga estudyante ang kanilang iniisip.