Hindi birong problema

Mukhang hindi na talaga masasawata ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa bansa at kahit pa nagkaroon ng sunud-sunod na price rollback sa presyo ng krudo, heto at nahaharap na naman tayo sa panibagong pagtaas nito.

Naiulat kasi nitong Biyernes na magtataas na naman ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo at batay umano sa naging takbo ng kalakalan sa krudo sa world market nitong nakalipas na apat na araw, posibleng umabot sa P2.00-P2.20 per liter ang madagdag sa presyo ng diesel sa susunod na linggo.

Nasa 10 hanggang 30 sentimos naman per liter ang maaaring madagdag sa presyo ng gasolina.

Ang inaasahang paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo ay maaari pa umanong magbago depende sa kalalabasan ng kalakalan sa world market sa Biyernes.

Kinumpirma naman ni Department of Energy Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, na maaaring higit P2.00 per liter ang itaas sa presyo ng diesel at kerosene sa susunod na linggo.

Samantala, nasa 25 sentimos naman per liter ang maaaring madagdag sa gasolina.

“Ang kadahilalanan lumaki ang pagbaba sa imbentaryo ng krudo ng United States,” ayon kay Romero.

“Andun pa rin sa isyu ng tightness ng supply [dahil sa] geopolitical conflict such as the Russia-Ukraine war,” dagdag pa ng opisyal.

Matinding pagtitipid na talaga ang kailangang gawin ng ating mga kababayan dahil bukod sa presyo ng krudo, nagtataasan na rin ang presyo ng ilang mga pangunahing bilihin, mga asukal at maging ang presyo ng sibuyas ay tumataas na rin.

Isang malaking hamon sa kasalukuyang administrasyon kung paano nito mareresolba ang problema sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing kailangan ng sambayanan, kaya naman mahalagang malaman ng lahat kung ano ang plano nitong gawin.

Hindi biro ang hinaharap ngayon ng bansa, dahil nandiyan pa rin ang banta ng pandemya at banta ng monkeypox, kaya sana naman, kahit sa pagbaba ng presyo ng mga bilihin ay makatulong ang pamahalaan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *