Bantayang mabuti

Naging isang malaking usapin ang offshore gaming operations sa bansa nitong mga nakaraang linggo dahil na rin sa mga kinasasangkutang kontrobersya ng ilan sa mga empleyado nito gaya ng kidnapping at ilan pang mga krimen.

Ayon sa mga ulat, karamihan sa mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO na nasasangkot sa mga gulo ay ang mga ilegal na POGO na itinayo sa bansa.

Dahil dito, nalalagay tuloy sa alanganin ang mga lehitimong POGO na dumaan sa proseso upang maaprubahang mag-operate sa bansa.

Ang Philippine National Police (PNP) naman, nagsasagawa na rin ng ilang mga hakbang upang masigurong hindi magkakaroon ng kaguluhan o kidnapping sa mga empleyado ng POGO gaya nang pagpapakalat pa ng mas maraming pulis sa mga lugar kung saan may POGO.

Ang isa pang hakbang ay ang pagpapabilis nang pagbibigay ng national police clearance sa mga manggagawa ng lisensyadong POGO sa Region 3.

Ilan sa unang nakakuha ng police clearance ang nasa 180 manggagawa ng isang pogo company mula Subic Bay, Freeport Zone na karamihan ay Chinese, Malaysian, at Indian nationals.

Pinoproseso na ang kanilang clearance sa Olongapo City at ang unang 30 manggagawa ay binigyan ng clearance na walang mga kriminal na rekord.

Ayon sa PNP, ito ay bahagi ng proseso ng pagkakakilanlan ng lahat ng dayuhan at lokal na nagtatrabaho sa POGO para maiwasan ang mga katulad na kaso ng kidnapping at iba pang mga pang-aabuso, lalo na sa mga manggagawang Tsino at mga pulis para masuri na rin kung sino ang mga dayuhang mamamayan.

Paraan din ito para masiguro ang mga pumapasok sa bansa ay hindi mga kriminal.

Nitong nakaraan rin ay pinangunahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) DILG Secretary Benhur Abalos kasama ang mga tauhan ng PNP-Anti Kidnapping Group ang pagsalakay at pagpapasara sa isang POGO company sa Angeles City, Pampanga.

Ang pagsalakay ay nag-ugat sa pagkakasangkot ng kumpanya sa pagdukot umano sa Chinese national na si Wu Jia Ming at 42 ibang pang dayuhan na biktima naman umano ng human trafficking at na-rescue kasama ng kidnap victim.

“Doon natin narescue, yung isang biktima kasama na ang 42 other complainants, so we just want to make sure na yung iba pang naiwan na empleyado roon ay okay sila at to make sure talagang permanently sarado na ito talagang yung dapat kasuhan ifi-file na rin sa korte,” sabi ni Abalos.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nag-ooperate ng walang permit ang Angeles branch ng POGO company.

“Meron kaming certification coming from PAGCOR, nito lang namin nakuha na talagang illegal siya wala siyang lisensya… hindi nila renenew ito at as per our records since this is illegal. We have to close it now basta na kamukha nung sinabi ko, marami kaming na-rescue talagang na mga trafficking sa lugar na iyon,” saad ni Abalos.

Kailangan talagang bantayang mabuti ang mga pumapasok na POGO rito sa bansa, dahil maaapektuhan ang mga lehitimong POGO na nakakatulong sa mga kababayan natin na magkaroon ng trabaho.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *