Tatay nakisali sa rambol ng anak

Isang tatay ang pinaghahanap ngayon ng pulisya matapos nitong bugbugin ang menor de edad na binubully kanyang anak sa labas ng kanilang paaralan sa Surallah, South Cotabato, nitong Lunes

Nagpapagaling ang magkapatid na biktimang nasa 14 at 16 anyos, na nagtamo ng mga sugat, mga pasa at nagkabukol-bukol pa ang mga ulo.

Ayon sa lola ng mga biktimang si Eden Malaga, sa flag raising pa lamang umano ay kinukutya na ng 16 anyos na anak ng suspek at mga kabarkada nito, ang kanyang mga apo, dahil umano sa pangit ang mga kasuotan ng mga ito.

At habang hindi pinapansin ng mga biktima ang mga nambu-bully sa kanila ay lalo namang nanggigil ang mga ito saka hinamon pa ng suntukan ang dalawa.

Pagsapit ng lunch break ng mga ito, ay nilapitan pa ng anak ng suspek ang mga biktima saka pinapapalag ngunit nakarating sa pamunuan ng eskuwelahan (Surallah National Highschool) ang sigalot kaya’t pinatawag nila ang mga ito.

Sa pag-aakalang napag-ayos na ang magkapatid at mga nambu-bully sa kanila ay pinapasok na rin sa klase ang mga ito, ngunit lingid sa kaalaman ng admin ay inaabangan na pala ng mga bully ang dalawa nang mag-uwian.

Nang mamataan na ng mga ito ang inaabangang magkapatid ay walang ano-anong dinamba nila ang dalawa na kahit dehado na nga dahil hindi makalaban at puro salag lang ang ginagawa ay nakisali pa ang ama ng isa sa mga ito, na hindi na rin pinangalanan upang maproteksyunan rin ang anak na menor de edad pa.

Kabi-kabilang suntok, tadyak at balibag ang inabot ng dalawa na hindi pa sana matitigil kung hindi nagsumbong ang mga nakasaksi sa school admin.

Nang makitang may papalabas nang mga guro sa eskuwelahan ay doon na nagkanya-kanyang hulasan ang mga nambu-bully na mag-aaral kung saan ay kumaripas din ng takbo ang suspek, at ngayon ay nagtatago.

Nahaharap ito ngayon sa kasong paglabag sa RA 7610 o special protection against child abuse, exploitation and discrimination act.

Agad din namang nadakip ang mga estudyante na sangkot sa gulo na kasalukuyang nasa tanggapan ng local Social Welfare and Development Service.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *