Naghahanda na ang lokal na pamahalaan ng Tagaytay para sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa paparating na Undas at ayon kay Tagaytay City police chief Lt. Col. Charles Daven Capagcuan, bukod sa mga sementeryo at simbahan ay inaasahan din ang mga bisita sa mga pasyalan, hotel, at kainan sa lungsod lalo’t long weekend.
Ayon sa kanya, nagkasa na ang lungsod ng “Oplan Kaluluwa” upang mag-deploy ng mga tauhan at paigtingin ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.
“Nakikita natin na ngayon ‘yung Tagaytay, papunta na sa peak season. Talaga namang dadayuhin ito. Ngayong padating na All Saints’ Day pa lang, All Souls’ Day, inaasahan natin ang pagdagsa ng mga turista na pupunta rito,” sabi ni Capagcuan.
May tig-isang pampubliko at pribadong sementeryo sa Tagaytay.
Bukod sa seguridad, tiniyak ni Capagcuan na maigting pa ring ipatutupad ang health protocols sa COVID-19.
“Itong darating na Undas ay talaga namang pinananabikan ng mga tao sapagkat sa nagdaang 2 taon ay hindi naobserba o naisagawa ng mga tao ang mga tradisyon… at ngayon lamang muli bumabalik ‘yung sigla ng pagsasagawa ng mga tradisyon na ito kung kaya’t inaasahan natin na talagng dadagsa ‘yung bilang ng mga tao,” saad ni Capagcuan.