Ngayong nalalapit na ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa mga paaralan, pinaghahadaan na ng ilang mga paaralan ang pasukan upang masigurong hindi magkakaroon ng hawahan ng Covid-19 na patuloy pa ring nananalasa sa bansa.
Pero bukod sa Covid-19, pinaghahandaan rin ng mga paaralan ang laban nito sa dengue fever, na sa ngayon ay nagsisimula na rin ang pagtaas ng mga naitatalang kaso.
Sa Quezon City, tulong-tulong ang mga dating mag-aaral at Quezon City Magiting Eagles Club para linisin ang paaralan at alisin ang mga pinamumugaran ng kitikiti at lamok.
Pagkatapos maglinis, may misting naman na isinasagawa o pagbuga ng droplets mula sa pinaghalong tubig at kemikal na pamatay-lamok.
Ayon kay Pest Control Association of the Philippines public relations officer Rodel Olivares, mas ligtas ang misting sa fogging o pagpapausok at malaking bagay umano ang malakas ang suporta ng iba-ibang sektor sa paaralan.
“‘Pag malinis ang environment, hindi magti-thrive ang mga lamok. Wala namang mahirap gawin, basta tayo maglilinis at magco-conduct ng pest control,” saad ni Olivares.
Patuloy ang regular na fogging o pagpapausok sa ibang paaralan gaya ng Commonwealth High School. Inisa-isa ang pagpapausok sa lahat ng silid at gusali.
Halos araw-araw ang pagpapausok ng mga lokal na opisyal sa iba-ibang bahagi ng Commonwealth para masugpo ang mga lamok at nakatakda ulit ang fogging sa ibang mga eskuwelahan sa barangay sa susunod na weekend.
Sa tala ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit, meron ng 1,280 kaso ng dengue sa lungsod mula Enero hanggang Hulyo 28. Halos 130 porsiyento o higit doble ito sa bilang ng mga kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon.
May pito na ring namatay sa dengue sa lungsod.
Samantala, mamamahagi naman ang lungsod ng Makati ng anti-dengue kit sa mga nag-aaral sa public school, mula Kindergarten hanggang Grade 6 at mga nasa special education.
Ayon sa Department of Health, higit 92,000 na ang mga nagka-dengue sa bansa sa unang kalahati ng 2022. Higit doble ito kumpara sa parehong panahon noong 2021. Umabot na sa 344 ang mga namatay na nagka-dengue noong Agosto 6.
Nagdeklara na rin ng state of calamity ang ilang bayan dahil sa pagkalat ng sakit.
Hindi biro ang matamaan ng dengue, kaya naman talagang kailangang paghandaan ito at kailangang siguruhin na malinis ang kapaligiran upang hindi na ito kumalat pa.