Inihayag ng Municipal Disaster Risk Reduction ang Management Office (MDRRMO) ng Guinobatan sa Bicol na nakaranas ng pagbaha ang ilang lugar sa Bicol region, partikular na sa Guinobatan, Albay at ilang lugar sa Sorsogon dahil sa malakas na buhos ng ulan magmula pa nitong gabi ng Biyernes.
Sinabi ng MDRRMO na ilang purok sa mga barangay ng Maguiron at Minto ang nalubog dahil sa umapaw na ilog at umabot na hanggang tuhod ang tubig sa ilang lugar na binaha, kaya inirekomenda ng MDRRMO ang localized evacuation.
Inaasahan pa ang pag-ulan sa Albay dahil umano sa Habagat na hinihila ng Bagyong Ester, kaya nag-inspeksyon na rin ang MDRRMO sa mga barangay na walang sapat na flood control structures gaya ng San Rafael, Masarawag, at sa Iraya na gumuho ang ginagawang flood control dike noong isang linggo.
Pinulong na ng LGU ang mga opisyal ng mga high-risk barangay at tiniyak din nito na may sapat na pondo para sa relief goods ang LGU para sa mga posibleng ilikas na mga pamilya.
Nakapagtala rin ng baha sa maraming lugar sa ika-5 distrito ng Camarines Sur dahil sa mga pag-ulan. Muli ring binaha ang mga barangay sa población ng Baao nang bumuhos ang malakas na ulan madaling araw ng Sabado.
Umabot sa paanan ang tubig-baha sa national highway sa tapat ng public market kaya nakadaan pa rin ang mga sasakyan, pero maraming tindahan ang tanghali na nagbukas.
Sa Barangay San Ramon, halos umapaw na sa tulay na riles ang tubig sa creek. Nagtulong-tulong ang ilang residente na alisin ang nakabarang mga kahoy at basura para hindi masira.
Lubog din sa tubig ang spillway na nag-uugnay sa Sagrada, Baao at San Jose, Iriga City at spillway sa Sta. Elena Baras, Nabua dahil sa umapaw na Waras River.
Dahil dito, ipinag-utos na ni Governor Luigi Villafuerte ang pre-emptive evacuation sa buong 5th district o Rinconada Area ng Camarines Sur. Pinauuna nitong ipinalilikas sa disaster officials ang mga pamilyang nakatira sa mga lugar na may banta ng baha at landslide.
Ipinaalala pa nito ang pagsunod sa health protocols sa paglilikas lalo’t hanggang kahapon, umabot na sa 26 ang bagong COVID-19 cases sa lalawigan.