Isa ang naitalang namatay sa isang sunog na tumupok sa apat na bahay sa Purok 2, Barangay San Marcos, Calumpit, Bulacan nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ng mga otoridad ang nasawi na si Ligaya Regalado, na na-trap umano sa sunog na nagsimula bago mag alas-10 ng Linggo ng gabi.
Ayon sa kanyang kapatid na si Gary Regalado, wala silang naisalba dahil mabilis ang naging pagkalat ng apoy.
“Nagliyab na, takbuhan mga kapatid ko, sabi lang umuusok eh binubuhusan ko wala na ‘di ko na kaya, tumakbo na kami palabas,” saad ni Regalado.
Nakita ang bangkay ni Ligaya sa unang palapag ng bahay.
“Palagay ko na suffocate na saka mahimbing na siguro ang tulog […] sinisigawan ko eh,” saad ni Gary.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, mabilis kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials ang mga bahay.
“Mabilis ang pagkalat kasi gawa sa light materials ‘yung bahay. Madali naman na napasok namin kaya lang nung dumating kami, malaki na ang apoy eh. So hindi na natin basta (maapula). Na-control naman natin ‘yung sunog,” saad ni Fire Inspector Rogelio Isaac.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog. Naapula ito pasado alas-2 ng madaling araw. Hindi pa tukoy kung ano ang naging sanhi nito.