Nagtalaga na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng mga bagong pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon sa Palasyo, itinalaga sina Lieutenant General Bartolome Vicente O. Bacarro bilang AFP chief of staff; Police Lieutenant General Rodolfo Azurin, Jr. bilang PNP chief at si Medardo de Lemos naman bilang NBI director.
Sinabi rin ng Malakanyang na itinakda ang paglilipat ng kapangyarihan o change-of-command sa AFP sa August 8 para bigyan si Bacarro ng panahon sa pag-alis sa kasalukuyang puwesto niya sa Southern Luzon Command, at sa transition ng bago niyang tungkulin sa Camp Aguinaldo.”
Si Bacarro ang unang AFP chief na mayroong fixed three-year term, batay sa bagong batas sa liderato ng AFP.
Sa ilalim ng Republic Act 11709, bukod sa AFP chief of staff, fixed din ng tatlong taon ang termino ng vice chief of staff, deputy chief of staff, major service commanders (Philippine Army, Philippine Air Force, Philippine Navy), unified command commanders, at inspector general, “unless sooner terminated by the President.”
Si Bacarro ay tumanggap ng Medal of Valor award noong December 1991 sa kaniyang katapangan matapos ang 10-oras na makipaglaban sa mga komunistang rebelde sa Maconacon, Isabela.
Bahagi si Bacarro ng Philippine Military Academy “Maringal” Class of 1988.
Kabilang sa mga dating posisyon niya sa 5th Infantry Division ay platoon leader, company commander, administrative officer, intelligence officer, operations officer, civil-military operations office at secretary to the general staff.
Malugod na tinanggap ni Department of National Defense officer-in-charge Jose Faustino Jr. ang paghirang kay Bacarro, bilang AFP chief.
Samantala, bahagi naman ng PMA “Makatao” Class of 1989 ang bagong pinuno ng kapulisan na si Azurin, ang kasalukuyang regional director ng Police Regional Office 1.
Ilan sa puwestong hinawakan niya ay Directorate for Comptrollership (DC), Directorate for Information, Communication Technology Management (DICTM) sa Camp Crame, at hepe ng Maritime Group.
Sa isang pahayag, sinabi ng Philippine National Police (PNP), “Under Police Lieutenant General Azurin’s direction, we assure the public that our police force will sustain its momentum to carry out PNP’s mission and to deliver its mandate with utmost integrity, credibility and professionalism, all for safety and protection of our Filipino people.”