Inanunsyo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nakauwi na sa bansa ang 288 pang overseas Filipino workers (OFW) na nahuli dahil sa kawalan ng kaukulang dokumento upang makapagtrabaho o manirahan sa Kuwait.
Ayon sa ahensya, nakabalik na sa bansa lulan ng isang chartered flight ng Philippine Airlines.
“Bawat isa diyan sa na-repatriate natin mayroon iyang specific na violation, kaso at dadalhin iyan doon upang ma-repatriate o makasuhan. Pasalamat na lang tayo na hindi sila tuluyang kinasuhan, naiuwo na natin,” ayon kay OWWA deputy administrator Arnell Ignacio.
Karamihan sa mga OFW ay walang visa upang legal na makapagtrabaho kaya nakasama sa malawakang crackdown sa mga migrant workers ng gobyerno ng Kuwait.
Ngunit paliwanag ng ilang OFW na nakasama sa repatriation flight, karamihan sa kanila ay tumakas sa mga malulupit na amo dahilan para hindi maisaayos ang kanilang mga dokumento.
Kapit sa patalim na rin umano sila at patuloy na nagtrabaho kahit walang visa makapagpadala lang ng pera sa mga pamilya sa Pilipinas.
Tiniyak naman ni Ignacio ang suporta mula sa OWWA.
“Sisilipin natin kung ano yung kanilang mga estado at kung saan sila magfi-fit na programa ng OWWA. ’Yung mga mag-stay na dito, mayroon tayong mga reintegration programs, mayroon pa tayong Tulong Puso, lima sa kanila na makaisip na magkaroon ng negosyo, financial support starts at P50,000 up to P1,000,000,” ayon kay Ignacio.
“Scholarship ng mga anak nila, maraming namomroblema, mayroon tayong scholarship programs para sa kanila. Basta dumating lna iyan dito, sinasabi ko lang, manalig lang kayo, have faith, kami bahala.”
Agad ding binigyan ng pamasahe ng OWWA ang mga umuwing OFW upang makauwi na sa kanilang mga pamilya.