Nananawagan ng isang masusing imbestigasyon si Senador Risa Hontiveros dahil sa tinatayang P5 bilyon hanggang P13 bilyong halaga ng COVID-19 vaccines na binili ng gobyerno ang hindi umano nagamit at nag-expired na.
Ayon kay Hontiveros, maghahain siya ng resolusyon para siyasatin ang tinawag niyang “large-scale” wastage of COVID-19 vaccines” na hindi raw dapat kunsintihin.
Paliwanag niya, sa pagitan ng April at July, mayroong nasa apat na milyon hanggang 24 milyon na bakuna ang hindi nagamit at nag-expired na batay na rin sa mga naglalabasang ulat.
Ang halaga umano ng naturang COVID-19 vaccine ay nasa P5 bilyon hanggang P13 bilyon.
“Of course, may mga vaccines na alam nating hindi magagamit dahil sa iba’t ibang dahilan. May margin of error naman talaga. But in this case, goodbye agad sa halagang bilyun-bilyong piso? Mukhang magtatapon tayo ng pera at bakuna sa kabila ng mabilis na namang pagtaas ng mga COVID-19 cases,” saad ni Hontiveros.
Dagdag pa ng senador, nais niyang malaman sa gagawing imbestigasyon kung nagkulang ba ang pamahalaan sa pagpaplano o sa pagbili ng mga naturang bakuna dahil nakapanghihinayang umano na bilyong halaga ang nasayang dahil maaari umano itong nagamit sa ibang bagay tulad ng mga pangsuporta sa mga magsasaka, mangingisda, tsuper, at mga frontliner.
“Palaging inaanunsyo na ang dami-dami na nating bakuna, pero hindi naman sa procurement natatapos ang kuwento. Baka naman may oversupply na tayo kaya may hindi nagagamit at nasasayang. ‘Wag naman sanang ipangalandakan na dinaig pa nila si Asyong Aksaya. Dapat may managot dito,” saad ni Hontiveros.
Kung matatandaan, sinabi ni Go Negosyo founder at dating Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, na mayroong 3.6 million doses ng Moderna vaccines ang nag-expired noong July 27 habang nasa 623,000 AstraZeneca doses ang mag-e-expire noong July 31.
Ang naturang bilang ng mga bakuna na umaabot sa 4.2 milyon at nagkakahalaga ng nasa P5.1 bilyon.
Paliwanag ni Concepcion, ang kabiguan ng pribadong sektor na magamit ang mga bakuna ay ang pagkakaantala umano ng desisyon ng Health Technology Assessment Council’s (HTAC) na aprubahan ang pagbibigay ng second booster vaccination sa lahat ng Filipino na edad 50 pataas, at mga adult with comorbidities.
Paliwanag naman ni DOH Infectious and Tropical Disease Section chief Dr. Anna Ong-Lim, inabutan ng expiration ang mga bakuna dahil kamakailan lang naaprubahan ang second booster rollout.
Ayon sa HTAC, ang “gap” sa rollout ng primary vaccine series, at ang first booster doses ang dapat na tugunan.