Iniulat ng Lobo police station sa Batangas na nagkasagupang muli ang mga tauhan ng 59th Infantry Battalion ng Philippine Army at ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Barangay Malalim na Sanog nitong Huwebes ng umaga.
Ayon sa ulat ng mga pulis, nangyari ang bakbakan bandang alas-10 ng umaga at tumagal ng tatlong minuto at agad din umanong umatras ang mga rebelde patungo sa bulubunduking bahagi ng lugar.
Wala namang naiulat na namatay o nasaktan sa panig ng militar, habang hindi pa alam kung may nasaktan o namatay sa panig ng mga rebelde.
Sa report ng 59th IB, may narekober ang mga ito na caliber .45 pistol sa lugar.
Ito na ang ika-4 na engkuwentro ng militar at NPA sa Batangas sa loob ng isang buwan na ikinamatay na ng 2 katao.
Mahigpit na nagtuturuan ang magkabilang panig kung sino ang nakabaril sa isang 12 anyos na batang babae na naipit sa bakbakan noong unang magkasagupa ang dalawang puwersa sa katabing bayan ng Taysan noong Hulyo.
Nauna na itong ibinintang ng NPA na kagagawan ng militar ang pagkamatay ng bata.
Dagdag nila, isa lamang simpleng magsasaka ang isa pang namatay sa engkuwentro sa bayan ng Calaca. Pero ayon sa militar, miyembro ito ng NPA.
Giit naman ng 59th IB, mga lehitimong engkuwentro ang naganap.