Nais paimbestigahan ni Senador Raffy Tulfo ang umano’y hindi matapos-tapos na problema sa power supply sa buong bansa, partikular na na sa Mindoro.
Ayon kay Tulfo — na siya ring chair ng Senate Committee on Energy — ipatatawag niya sa pagdinig ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga namumuno ng National Electrification Administration at maging mga dating opisyal ng Department of Energy (DoE).
“Laging problema ang power interruption, 10 to 12 hours, nasisira ang appliances, mga estudyante ay di makapag-aral sa gabi, gamit nila kandila at ilaw sa cellphone. Pagdating ng bayaran ng kuryente mataas ang singil, may pagbabanta pa na ‘pag di nakapagbayad on time ikaw ay puputulan,” saad ng senador.
Dagdag pa niya, nasa higit isang dosenang electric cooperatives ang inirereklamo sa kanya kaya panahon na umano para masolusyunan ito.
Sinabi rin ni Tulfo na maging ang mga dating opisyal ng DoE — kabilang si dating Secretary Alfonso Cusi — ay ipatatawag din sa pagdining.
“That is really what’s going to happen. Lahat ng may kinalaman ipapatawag natin so they can shed light kung bakit di nabigyan ng solusyon ang problema,” sabi ni Tulfo.
Sakaling mapatunayan na may kapabayaan sa panig ng mga electric cooperatives ay sinabi ni Tulfo na hindi siya mangingimi na isama sa rekomendasyon sa committee report na bawiin ang legislative franchise ng mga ito.
Kung matatandaan, nagdeklara ng “state of power crisis” sa Occidental Mindoro dahil sa lumalalang problema sa suplay ng kuryente na pumipinsala na sa kabuhayan ng mga residente.
Lumitaw umano sa isang isinagawang legislative inquiry na umaabot na sa P400 milyon kada araw ang nawawala sa ekonomiya ng probinsiya dahil sa krisis sa kuryente.
Dekada nang problema ng mga residente ang suplay ng kuryente na mas lumala nang biglang mag-shut down ang operasyon ng OMCPC noong Hunyo 25 dahil sa hindi pagpayang ng Energy Regulatory Commission na palawigin ang transition period sa pagitan ng power provider at electric cooperative.
Pero naibalik naman ang suplay ng kuryente matapos sabihin ng ERC na dapat ibigay ng OMCPC ang suplay ng kurytente ng OMECO base sa power supply agreement na pinirmahan noong Enero, pero 12 megawatts lang ang ibinalik ng OMCPC gayong nangangailangan ng 25-27 megawatts ang probinsiya.
Dahil dito, nagpatupad ang OMECO ng rotational brownout kung saan kada 2 hanggang 4 oras lang nagkakakuryente ang mga tao.