Umaalma ngayon ang ilang mga residente ng Oriental Mindoro sa umano’y biglang pagtaas ng kanilang mga electricity bills kahit madalas ang pagkakaroon ng brownout sa probinsya at nagtataka ang mga ito kung bakit tumaas ang singil kahit wala na halos nakokonsumo ang mga residente.
Ayon sa ilan, kahit tumatagal umano mula apat hanggang anim na oras ang brownout sa kanilang lugar ay umabot pa rin umano sa lampas P10,000 ang kanilang mga electricity bill.
Kung matatandaan, nais ni Senador Raffy Tulfo na magsagawa ng imbestigasyon sa mga power interruptions na nangyayari sa ilang parte ng bansa at makakasama umano ang imbestigasyon para sa biglang pagtaas ng electric bill.
Sinabi naman ni Oriental Mindoro Electric Cooperative (ORMECO) acting general manager Humprey Dolor na nagbabago umano ang taripa o presyo ng ibinibigay na kuryente ng mga planta na gumagamit ng fuel o diesel kaya nagkakaroon ng pagtaas sa electric bill.
“Huwag nating pagbasehan natin ‘yong gamit lang ng kuryente. Tingnan natin gaano karami ang iyong sinaksak during the time na mayroong kuryente,” sabi ni Dolor.
“Halimbawa, na-drain ka maghapon dahil walang kuryente, noong nagkakuryente, sinaksak mo lahat ng cellphone mo, inihanda mo ang iyong mga gamit na icha-charge. Malamang nagdoble ang konsumo noon,” dagdag pa niya.
Samantala, dismayado na rin si Calapan City Mayor Malou Morillo sa palaging brownout na nakakaapekto sa mga negosyo.
“Marami na ring nag-close na mga establishment dito kasi dahil nga ng kuryente namin,” sabi ni Morillo.
Sa usapin naman ng madalas na brownout, sinabi ni Dolor na tatlong buwan nang hindi nakakapag-produce ng kuryente ang windmill sa Puerto Galera at kapos rin ang suplay ng mga mini-hydro plant kaya nagakakaroon ng problema sa suplay ng kuryente.
Pero ngayon umano ay nasa 56 megawatts na ang available na power supply kaya stable na ang suplay ng kuryente sa Oriental Mindoro.
Handa naman ang ORMECO na humarap sa imbestigasyon ng Senado.
Magugunitang noong Hulyo, nagdeklara ng state of power crisis ang karatig-probinsiyang Occidental Mindoro dahil din sa madalas na pag-brownout.