Ngayong nalalapit na ang pagbubukas ng mga klase sa paaralan ngayong buwan, hindi na magkamayaw ang mga guro sa paghahanda ng kanilang mga gagamitin sa pagsisimula ng panibagong school year.
Gayunpaman, marami pa ring problema ang hinaharap ng mga guro na itinuturing rin na ikalawang magulang ng mga estudyante, dahil bukod sa banta ng pandemya, panibagong hamon na naman ang pagsasagawa ng online classes kahit pa nagawa na ito sa nakalipas na dalawang taon.
Isa mga problema ay ang mabagal na laptop na nakuha ng mga guro sa pampublikong paaralan mula sa Department of Education (DepEd), kung saan maraming mga guro ang nagrereklamong hindi na halos magamit sa online classes ang mga ito.
Nitong Miyerkules, tiniyak ng DepEd na tutugunan na nito ang reklamo ng mga guro at ayon kay DepEd spokesperson Michael Poa, makikipag-ugnayan sila sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM), na siyang bumili ng laptops.
Ayon kay Poa, maaari umanong igiit ng ahensiya ang warranty provision sa pagbili ng mga laptop at maaaring magawan umano ng paraan na ma-upgrade ang specification o mapalitan ang mga ito.
Sa proposed budget ng DepEd para sa 2023, may inilaan din aniyang pondo para sa pagbibigay ng learning materials, kabilang ang gadgets at bukod pa rito, hinihingi na rin ng DepEd sa PS-DBM ang mga detalye ng naturang procurement.
Sinabi ni Poa na hindi pa nila hawak sa ngayon ang mga dokumento na siyang basehan ng PS-DBM sa pagbili ng laptops kaya hirap din silang makatugon sa puna ng Commission on Audit na overpriced o masyadong mahal ang laptops.
Matatandaan kasing nasa P35,000 per unit ang procurement request ng DepEd, pero nasa P58,300 per unit price ng laptop ang binili ng PS-DBM.
Marapat lamang na tugunan ng DepEd ang reklamo ng mga guro, dahil talaga namang hindi biro ang kanilang ginagawa lalo na ngayong matagal-tagal pa ang pagsasagawa ng face-to-face classes.
Sana lamang ay maging mabilis ang pagsagot ng DepEd sa mga hamon na hinaharap ng mga guro.