Aminado ang aktres na si Jane de Leon na matinding pressure ang kanyang nararamdaman ngayong nalalapit na ang pilot episode ng “Darna” na siyang papalit sa pitong taong pamamayagpag sa ere ng “Ang Probinsyano”.
Sa Lunes na kasi magsisimula ang fantaserye kung saan si Jane ang bibida sa “Mars Ravelo’s Darna.”
“Nakaka-pressure naman po kasi kahit sino naman artista na nagkakaroon ng show, gusto pong mapalitan ‘yung slot. Hindi ko naman din po in-expect na ako po ‘yung papalit doon,” pahayag ni Jane.
“Hindi ko rin alam ‘yung reaction ngayon ni Coco. But I am so grateful naman and happy. Ibibigay po namin ang best namin. Hindi pa kami nakakapag-usap pero excited akong mag-usap ulit kami ni Coco,” sabi pa ng dalaga.
Ayon pa sa kanya, hindi raw siya nawalan ng pag-asa kahit sinabihan na siya noon ng mga bossing ng Kapamilya Network na hindi na matutuloy ang “Darna” dahil hindi na nabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.
“Hindi po ako umiyak noon pero siyempre nanghinayang po ako. Hindi lang naman po sa pinaghirapan ko, but sa lahat ng pinaghirapan ng staff, ng director and ‘yung mga in-invest din po namin. Pero may tiwala po ako kay Lord and may tiwala po ako sa ABS. Katulad po nito, natuloy na ‘yung teleserye,” sabi ng dalaga.
Samantala, naging emosyonal naman ang dalaga nang matanong kung ano ang nararamdaman niya ngayong bidang-bida na siya sa “Darna”.
“Ginagawa ko talaga ito because I love my craft and my passion talaga. Nagpapasalamat ako kay Lord, of course, na kahit paano, nasagot na po ‘yung pinaghirapan namin ng buong pamilya. Sana magtuloy-tuloy na po. I know ito pa lang po ‘yung simula ng kinabukasan ko,” sabi ni Jane.