Inalmahan ng dalawang grupo ang plano ng Department of Education (DepEd) na ipagawa na lang ang mga inirereklamong mabagal na laptop na inisyu sa mga guro.
Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), dapat umanong may managot sa pagbili kaya naman sumugod sila nitong umaga ng Huwebes sa tanggapan ng Department of Budget and Management (DBM) para mag-protesta.
Ang Procurement Service ng DBM o PS-DBM kasi ang nagsagawa ng procurement ng laptop para sa DepEd.
Para sa ACT, hindi sapat ang solusyon ng DepEd na gamitin ang warranty ng mga laptop para ma-upgrade o mapalitan ang mga ito. Band-aid solution lang anila ito sa palpak na pagkakabili ng gadgets.
Kung nais ng gobyerno na mabigyan ng kalidad na edukasyon ang mga kabataan, dapat ibinibigay ang tamang gamit at hindi ang mga palyadong laptop, ayon sa ACT.
Nanawagan din ang grupo sa DepEd na kung maglalaan ulit ng pondo para sa learning materials, dapat may kinatawan ang mga guro na makapagbibigay ng payo o gabay.
Hindi rin sapat para sa Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ang planong ipagawa o palitan ang mga laptop, ayon sa national chairperson na si Benjo Basas.
Sinabi ni Basas na kailangang imbestigahan pa ring mabuti kung may dapat managot sa pagbili ng mga laptop na inilarawan sa Commission on Audit (COA) report na “pricey” o mahal ang bili pero “outdated.”
“Napaka-importante talaga na magkaroon talaga dito ng impartial at malalimang investigation,” saad ni Basas.
Nauna nang sinabi ng DepEd na kapag napatunayan nitong mabagal nga ang mga inisyu na laptop, igigiit nito ang warranty provision kung saan maaaring ma-upgrade ang specification o mapalitan ang mga laptop.