Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Linggo na nasa 16 na tao ang nasagip matapos lumubog ang bangkang sinaskayan nila sa may dagat sa San Pascual, Masbate nitong madaling araw ng Linggo.
Nasa tatlong oras nagpalutang-lutang sa dagat ang mga sakay ng bangka bago nailigtas.
Ayon sa PCG station commander sa San Pascual, galing ang bangka sa Camarines Sur at papunta sana sa coastal barangay ng San Jose sa San Pascual at sinalubong umano sila ng malalakas na hampas ng alon, hangin at ulan ang bangka kaya pinasok ito ng tubig, na naging dahilan ng paglubog.
Kasama nitong lumubog ang kargang mga sako ng bigas at animal feeds.
May napadaan umanong mangingisda sa kinaroroonan ng mga pasahero kaya unang nailigtas ang tatlong bata at nakahingi ng tulong para sa iba pa.
Nasa 3 nautical miles o higit limang kilometro umano ang layo ng pinaglubugan ng bangka sa pinakamalapit na baybayin ng Burias Island, kung nasaan ang San Pascual.
Matapos mag-almusal kasama si San Pascual Mayor Zacarina Lazaro, inalalayan ang mga pasahero para makauwi sa kani-kanilang mga bahay.