Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Oriental Mindoro nitong Linggo na umabot na umano sa kanilang probinsya ang volcanic smog o mas kilala sa tawag na “vog” dulot ng pagbuga ng sulfur dioxide ng Bulkang Taal.
Sa pinakahuling tala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot sa 13,572 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan, na sanhi ng smog.
Sa bayan ng Pola, pinayuhan ni Mayor Jennifer Cruz ang mga kababayan na ugaliing magsuot ng face mask para maiwasan ang mga sakit dulot ng vog at maliban sa nasabing lugar, umabot na rin sa Puerto Galera at iba pang bayan ng probinsiya ang vog.
Ang Oriental Mindoro ay may layong 100 kilometro sa silangan ng bulkan at ayon sa Phivolcs, nakarating sa probinsiya ang vog dahil sa hangin.
Nauna rito, umabot noong Huwebes sa Tagaytay City ang vog at ayon sa resident volcanologist ng Taal Volcano Observatory na si Paolo Reniva, naobserbahan na umabot na ang vog hanggang sa Tagaytay.
Nauna aniyang namuo ang vog noong Agosto 6 pero sa mga lugar lang sa Batangas.
Ayon kay Reniva, iba ang vog sa karaniwang fog sa Tagaytay dahil maamoy ang asupre na masakit sa ilong at mahapdi sa mata.
Pinapayuhan ang publiko na gumamit ng N95 mask kung lalabas ng bahay.
Ayon sa Office of Civil Defense sa Calabarzon, nagdulot na ang vog ng pinsala sa mga taniman sa mga barangay ng Banyaga at Bilibinwang sa bayan ng Agoncillo.
Nagsasagawa na rin ng assessment ang Municipal Disaster Risk Reduction Council sa pinsala sa agrikultura sa Laurel, habang mino-monitor ng Municipal Health Office ang kalusugan ng mga residente at namamahagi ng N95 mask.
Samantala, binaha ngayong umaga ng Linggo ang ilang lugar sa bayan ng Aurora, Isabela bunsod ng malakas na ulan noong nagdaang magdamag.
Ayon sa municipal disaster office ng Aurora, nagkaroon din ng pag-apaw sa irrigational canal matapos itong masira dahil sa ulan.
Abot hanggang tuhod at baywang ang baha sa mga kalsada sa bayan at pahirapan din sa pagtawid ang ilang sasakyan.