Kamakailan lamang ay ‘binaril’ ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang payagan ang pag-import ng asukal sa bansa at ang hakbang na ito ng Pangulo ay nagsisilbing babala sa iba pang industry sectors na hindi nais ng kasalukuyang administrasyon ang “unusually high volume” ng importasyon sa bansa.
Ang nasabing hakbang ng Pangulo ay nagsilbing mitsa upang mabigyan pa ng oportunidad ang agriculture sector at iba pang domestic producers na humaharap sa hamon nang pawang walang habas na importation ng mga foreign products.
Kung matatandaan, sinabi ng Malakanyang na ni-reject ni Marcos – na siyang chairman ng Sugar Regulatory Administration Board at tumatayong Agriculture Secretary – ang panukalang mag-import ng 300,000 metric tons ng asukal “in no uncertain terms”.
At sa gitna ng kontrobersya, ang sangkot na si Agriculture Undersecretary for Operation Leocadio Sebastian ay nagbitiw na sa puwesto. Si Sebastian umano ang signatory ng import authorization “on behalf of the President”.
Ayon pa sa Palasyo, mananagot ang dapat managot dahil patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon kung sino ang dapat parusahan kaugnay sa mga ilegal na imports.
Halos kahalintulad rin ang hinaharap ngayon ng mga local cement manufacturers sa bansa dahil sa pagpasok ng mga murang cement imports na ang karamihan ay nanggagaling umano sa Vietnam.
Kaya naman, kinalugdan ng Cement Manufacturers Association of the Philippines (CeMAP) ang hakbang na ito ng Pangulo.
“Like our peers in the sugar sector, we welcome the President’s action against the flood of imported products,” saad ni CeMAP executive director Cirilo Pestano, kung saan ipinunto niya rin na mayroon ring “uproar” sa walang habas na pag-import ng carrots at iba pang gulay.
Dadgag pa niya, nagpakita umano ng “wisdom” ang Pangulo kung saan iginiit nitong dapat ay mayroong “balance” sa pagprotekta sa mga consumers laban sa pagtaas ng presyo ng basic commodities at masiguro ang viability ng local industries.
“We hope that the Marcos administration would extend this policy to other local industries that are facing equal serious threats from the influx of imports,” sabi pa ni Pestrano.
Nitong nakaraan ay hiniling ng CeMAP sa Tariff Commission na magpatupad ng anti-dumping duties laban sa Type 1 at Type 1P na cement imports mula Vietnam at palawigin pa ang safeguard measures sa mga cement imports na sinimulan noong 2019 at magtatapos sa Oktubre.
Ayon sa CeMAP – na sinusuportahan rin ng mga non-member local manufacturers – sinabi na nila sa Tariff Commission na bagama’t may safeguard measures na ipinatutupad ay lalo pang lumala ang cement imports.
Natapos na ng Tariff Commission ang mga hearing nito kaugnay sa dalawang petisyon ng CeMAP at inaasahang maglalabas na ng desisyon ang komisyon kaugnay dito.