P400 ISANG KILO!

Bukod sa mga pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin, maging ang puting sibuyas ay nakikisabay na rin sa pagtaas ng presyo dahil umano sa kakulangan ng mga nagtitinda nito sa mga palengke.

Sa Marikina Public Market, pumapalo na sa P380 hanggang P400 kada kilo ang presyo ng puting sibuyas, depende sa laki at karamihan sa mga ito, na-order na rin ng mga may restaurant kaya hindi na nagbebenta ng tingi-tingi o mga tig-iisang kilo lang.

Ayon sa ilang mga nagtitinda, halos walang dumarating na puting sibuyas mula sa kanilang mga supplier sa Nueva Ecija at ayon naman sa ilang supplier, ilang araw na rin silang walang makuhang sibuyas dahil ilang buwan nang tapos ang anihan.

Sa Pasig Public Mega Market naman, may bahagyang paggalaw din sa presyo ng gulay na umaabot ng P5 ang pagtaas.

Nasa P450 kada kilo ang presyo ng puting sibuyas sa nasabing palengke dahil din sa kakulangan ng supply nito.

Pumapalo na rin ng P290 hanggang P310 kada kilo ang presyo ng karneng baboy, at P280 hanggang P290 kada kilo naman ng manok.

Marami pa ang supply ng baboy kaya inaasahang hindi pa gaanong gagalaw ang presyo nito.

Kinumpirma ng Bongabon, Nueva Ecija Farmers’ Association na kulang na ang suplay ng puting sibuyas sa bansa.

Ayon sa isang miyembro ng asosasyon na si Hernan Andres, paubos na ang puting sibuyas dahil hindi ito puwedeng ma-stock nang matagal at hindi rin lahat ng mga magsasaka ay nagtatanim ng puting sibuyas.

Problema rin ng mga magsasaka ang mataas na presyo ng mga fertilizer o abono kaya panawagan nila na sa gobyerno na bigyan sila ng karagdagang suporta.

“’Yun po ang sinasabi ng ating mga magsasaka parang sugal din kasi itong ating ginagawa na ito, ganun po ‘pag kulang ang sibuyas syempre mag-aagawan ang buyer, eh di tataas ang produkto natin ng sibuyas. Pero sa totoo kailangan natin ng tulong ng gobyerno dito po sa ating magsasaka lalo po ngayon,” sabi ni Andres.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, ikalawa ang Central Luzon, kung saan napapaloob ang Nueva Ecija, sa pinakamalaking producer ng sibuyas sa bansa.

Pinakamalaking producer naman ng sibuyas ang Ilocos Region.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *