Hinihiling ngayon ng mga magsasaka na magkaroon na rin nang pag-iinspeksyon sa mga bodega ng sibuyas lalo ngayong nagtataasan na rin ang presyo ng gulay sa mga pamilihan sa bansa.
Kasunod ito nang pagsalakay ng mga otoridad sa mga bodega ng asukal, kung saan lumalabas umano ng iniipit ng ilang negosyante ang suplay para samantalahin ang umano’y kakulangan nito sa merkado.
Ayon sa isang magsasaka ng sibuyas, posibleng nakatambak lang sa mga cold storage facility ang mga sibuyas kaya sinasabing nagkukulang ang mga suplay nito at dagdag nito, may ilang negosyante ang naghihintay umano na tumaas pang muli ang presyo ng sibuyas bago ito lumabas.
Sinabi rin nito na marami umanong cold storage facility sa Pangasinan, Tarlac, Maynila, at Metro Manila.
“Ang pagtaas po ng presyo ng sibuyas, abot po ng hanggang December. Doon po ‘yung pinakamaatas na presyo ng sibuyas kasi nandiyan ‘yung mga selebrasyon natin gaya ng Pasko at Bagong Taon,” sabi ng magsasaka.
“So hinihintay pa nila na mas lalo pang tumaas ang presyo ng sibuyas bago nila ilabas. ‘Pag magkakaroon po ng random checking sa cold storage facility ng sibuyas, bulaga sila diyan,” dagdag niya.
Kung matatandaan, higit 40,000 tonelada ng asukal ang nakita sa mga bodega sa Pampanga at Bulacan nitong mga nagdaang araw, base sa pag-iinspeksiyon ng Bureau of Customs.
Ayon sa samahan ng mga may-ari ng mga karinderya, malaki ang epekto sa maliliit na negosyo na kulang ang suplay ng puting sibuyas dahil pangunahing sangkap ito sa kanilang mga itinitindang ulam.
Hamon din aniya ang nagmamahal na presyo nito dahil sa limitadong suplay ng puting sibuyas.
“Siyempre ramdam na ramdam namin yung complain ng mga consumers sa mga karinderya na wala kaming magawa tulad nyan P400 ang kilo, ilan lang ang piraso nyan,” sabi ni Cristina Constantino, pinuno ng Philippine Association of Store and Carinderia Owners.
Dumidiskarte na lang din ang mga may-ari ng karinderya.