Ngayong bubuksan na sa Lunes ang mga klase sa mga paaralan, hindi maiiwasan na ma-excite ang mga estudyante na sabik nang pumasok sa mga paaralan.
Pero nitong Sabado lamang ay nagkaroon ng maliit na kaguluhan na may kaugnayan sa pasukan dahil nauwi sa siksikan at tulakan ang unang araw ng pamamahagi ng educational aid ng Department of Social Welfare and Development sa mga kwalipikadong estudyante.
Dinagsa kasi ng ilang daang estudyante at kanilang mga magulang ang central office ng kagawaran sa Quezon City at marami sa kanila ay nakapila na noong nakaraang gabi.
Ang siste lang, hindi nasusunod ang pila at ang ilan ay nahuli rin sa pagkuha ng pera.
May ilang senior citizen ang hinimatay, may ilang tinalon rin ang gate ng gusali. Upang mapanatili ang kaayusan, pumuwesto ang mga guardiya at nagdagdag din ng seguridad ang Quezon City police.
Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, dumagsa rin sa central office ang mga mula sa karatig probinsiya at lungsod imbis na sa kani-kanilang regional office.
Binuksan din umano ang pamamahagi ng ayuda para sa mga maraming nangangailangan.
“Taon-taon ito ginagawa pero di naman ito inaanunsyo so kokonti lang po every year before lalo na this pandemic wala na pong klase pero 2019 po, parang limited lang po eh mga tga UCT lang, unconditional cash transfer, social pensioner lang, ang binibigyan, ang beneficiaries, this time binago, kasi yun din po ang gusto ng gobyerno natin lahat po inclusive lahat po. So ginawa po natin, binuksan natin sa lahat,” sabi ni Tulfo.
Unang pinapasok ang mga nagparehistro online. Ngunit giit ng mga naiwan, sumunod lang sila sa naunang sinabi ni Tulfo na puwede ang walk-in.
“Ang ginawa po natin inuna natin yung mga nag online kasi sinabi ko sa post na online pero sinabi ko rin na meron din kaming walk-in, hindi lang po makapaghintay yung walk-in, inuuna lang po namin yung online, hindi naman po sila ganun karami, sumasabay po yung walk in sa gate namin, nagkasiksikan po doon pero sabi ko naman siguro kapag matapos itong online na in around lunchtime around 2 p.m., ipapasok namin sila, hindi po sila makahintay, nagagalit, sigaw ng sigaw, walk-in walk-in,” ayon kay Tulfo.
Kalahating bilyong piso ang inilaan para sa proyekto. Isang libong piso ang ibibigay sa mga kwalipikadong elementary student, dalawang libong piso para sa high school, tatlong libong piso para sa senior high school, habang apat na libong piso para mga nasa kolehiyo.
Binigyan ng form ang mga nag-walk in. Makatatanggap sila ng tawag mula sa DSWD kung kailan makukua ang ayuda. Pinayuhan din ang mga nais makakuha ng educational aid na magparehistro online.
“Hihingi lang po ako ng kaunting paumanhin po sa inyong lahat, na anticipate po namin dadagsa po kayo. Ang pakiusap ko po, ‘wag po tayo magalit, maging unruly. Tinanong ko rin naman po kayo sa social media kung ano gusto niyo barangay o DSWD, sabi niyo DSWD, kasi sa barangay namimili,” paumanhin ni Tulfo.
Naging maayos naman ang pagproseso ng ayuda sa loob ng tanggapan. Nagpasalamat rin ang ilang estudyante sa natanggap na halaga.
Kung sakaling mauulit ang mga ganitong klase ng sitwasyon, kailangang masigurong maging maayos ang gagawing pamamahagi.
Huwag natin kalimutan na mayroon pa ring pandemya.