Dalawa sa apat na natagpuang patay sa Rizal, kilala na

Kinilala na ng Rizal Police Provincial Office ang dalawa sa apat na bangkay na natagpuan sa loob ng isang inabandonang kotse sa Barangay Macabud sa Rodriguez, Rizal nitong Lunes.

Sinabi ni Rizal PPO Public Information Officer Lt. Marisol Tactaquin, ang dalawa sa apat na nasawi ay nakilalang sina Robert Ryan Amarillo mula sa Lucena City sa Quezon Province Carl Pabalan, residente ng Tayabas City sa lalawigan din ng Quezon.

Pero ayon sa pulisya, hindi pa rin natutukoy ang pagkakakilanlan ng dalawang babaeng kasama ng mga ito at patuloy pa rin ang imbestigasyon sa kung ano ang posibleng motibo sa krimen at sino ang mga salarin.

Nitong Martes, nagsagawa na rin ng command conference ang binuong Special Investigation Task Group (SITG) Macabud na pinamumunuan ni Provincial Director Police Colonel Dominic Baccay na tumatayong SITG commander.

Personal na ininspeksyon ni Baccay ang lugar kung saan nadiskubre ang apat na bangkay.

Sa inilabas na pahayag ng Rizal PPO, sinabi ni Baccay na hindi titigil sa “puspusang” pag-iimbestiga ang pulisya ng Rizal para sa mabilis na ikalulutas ng kaso.

“Na-identify na natin ang dalawang biktima dahil na rin sa mabilis na aksyon at sa masigasig na pagtatrabaho ng ating mga kapulisan… sa patuloy na pakikipagtulungan ng ating mamamayan,” saad ni Baccay.

“I’m very positive na maso-solve natin ito sa mabilis na panahon.”

Pero tumangging magbigay ng dagdag na impormasyon at panayam si Baccay kaugnay ng kanilang imbestigasyon sa pangyayari.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *