Bagong panuntunan

Matapos ang kaguluhang naidulot nang educational assistance na isinagawa ng Department of Social Welfare and Development nitong nakaraang linggo, naglatag na rin nang bagong panuntunan ang ahensya sa pamamahagi ng educational cash assistance kasama ang Department of the Interior and Local Govenrment.

Ayon sa dalawang ahensya, mas mabilis at mas maayos na proseso para sa mga nangangailangan ng ayuda ang magiging resulta ng mga bagong panuntunan na ito.

Nitong Miyerkules, lumagda ng memorandum of agreement ang dalawang ahensiya para masaayos ang pamamahagi ng educational cash aid sa mga estudyante.

Kasama na sa mga bagong panuntunan ang pagbabawal na sa mga walk-in at dapat munang mag-apply online sa website na ipo-post ng mga lokal na pamahalaan at mga
tauhan ng DSWD ang mag-a-assess kung sino ang dapat makatanggap ng ayuda para maiwasan na mapolitika ang listahan.

“Ang DSWD, s’ya ang gagawa ng listahan, lahat ng ililista, lahat ng benepisyaryo, hindi si gobernador, hindi si mayor, hindi si kapitan. Linawin natin yan,” sabi ni DILG chief Benjamin Abalos Jr.

“Ang perang manggagaling, hindi kay mayor o gobernador, o kapitan. Ang pera galing sa national government, sa ahensya mismo,” dagdag niya.

Mas bibilisan din ang proseso at agad makukuha ang ayuda.

“Yun ang target natin, kung pupwede, maximum ang 10 minutes per tao. Yun ang maximum. Kung kumpleto naman ang dokumento, tatanungin lang ng social worker ano trabaho ng magulang mo, kapag magulang naman, tatanungin ano trabaho mo,” saad naman DSWD chief Erwin Tulfo.

DILG naman ang mangangasiwa sa mga payout center na nakakalat sa mga lungsod at munisipalidad at pisikal na kukuhanin ang pera kaya inaasahan ang pila, pero mas maikli at maayos na.

Posibleng magkaroon ng higit sa isang payout center ang kada lungsod depende sa populasyon at dami ng mga tatanggap.

Paglilinaw din ng DSWD, hindi sa lebel ng barangay ang pamamahagi ng ayuda.

Ipinaliwanag din ni Tulfo kung bakit hindi na nila idinaan sa DepEd o sa mga paaralan ang ayuda tulad ng suhestiyon ng maraming magulang.

Pakiusap ng DSWD, mga tunay na nangangailangan na lang sana ang mag-apply dahil limitado lang ang mabibigyan.

Sa datos ng DSWD, nasa 375,000 hanggang 400,000 estudyante sa buong bansa ang makikinabang dito.

Mahalagang masunod ang mga bagong panuntunan na ito dahil ito ang magiging benchmark kung gaano kaepektibo ang pamimigay ng tulong ng DSWD.

Dapat masigurong maipatutupad ito ng maayos.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *