COVID-19, MONKEYPOX, PUWEDENG SABAY TUMAMA

Nagbabala ang ilang mga health experts nitong Huwebes na posible umanong tumama nang sabay ang coronavirus disease (COVID-19) at ang monkeypox sa isang indibiduwal at hindi umano imposible ang dual infection sa mga lugar na may local transmission ng mga virus.

Ayon kay Dr. Rontgene Solante, malaki umano ang tsansang lumala ang kondisyon ng pasyenteng sabay tinamaan ng magkakaibang virus.

“The fact na mayroon siyang COVID, bababa ‘yong immune system niya in terms of responding to infection. Dagdagan mo pa ng monkeypox, then it can trigger more serious infection,” saad ni Solante.

“It can be critical or more severe form of monkeypox or the other way around. COVID-19 can also be severe,” dagdag niya.

Kung matatandaan, naitala na sa Italy ang kauna-unahang kaso ng taong magkasabay na tinamaan ng COVID-19 at monkeypox, na mayroon ding HIV at batay sa ulat ng Journal of Infection, nasa 36 taong gulang ang pasyente, na nakaranas ng lagnat na sinundan ng sore throat, fatigue, pananakit ng ulo at pamamaga sa singit 9 na araw mula nang bumiyahe siya sa Spain.

Lumabas din umanong nakipagtalik ang pasyente sa Spain nang walang proteksiyon.

Sa World Health Organization (WHO), isinusulong na rin ang pagbabakuna kontra monkeypox at respoonsableng pakikipagtalik para mapababa ang tiyansang tamaan ng sakit.

Wala pang bakuna ng monkeypox sa Pilipinas. Sa ngayon, COVID-19 immunity ang tinututukan ng Department of Health (DOH), lalo’t mababa pa rin ang pagtanggap ng publiko sa booster shots.

“Mukhang mabagal po ang pagpasok ng ating nagpapabakuna. Ngunit pipilitin pa rin ng Kagawaran ng Kalusugan, kasama ng ating mga iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kasama po ng ating mga local governments, na ma-achieve natin ‘yung target na gusto nating ma-achieve,” ani DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.

Paulit-ulit na ini-engganyo ng mga eksperto ang pagpapabakuna at pagpapa-booster kontra COVID-19, lalo’t bahagyang dumami ang mga severe at critical cases sa mga ospital, karamiha’y walang bakuna o booster.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *