Tatlong suspek ang arestado habang nasa P5.4 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Kalawaan sa Lungsod ng Pasig Sabado ng hapon.
Nalambat ng mga pulis ang mga high-valued individuals na kinilala ni PMaj. Anthony Alinsing na sina Mohaimen Rangaig y Pontino, 26; Matet Makebel y Alba, 33; at Isabel Tobosa, 26.
Pasado alas-singko ng hapon nang maaresto ang tatlo sa isinagawang buy-busy operation sa R. Castillo St. ng nasabing barangay.
Tinatayang nasa 800 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P5,440,000 ang nakumpiska mula sa tatlo.
Nasa nasabing himpilan na ang mga naarestong suspek habang nakatakdang iturn-over sa NHQ-Forensic Unit, Camp Crame, Quezon City, para sa drug test at laboratory examination ang mga drug evidence.
Samantala, kinilala naman ni NCRPO acting regional director PBGen. Jonnel Estomo ang pagsisikap ng mga operatiba sa pamumuno ni EPD Acting District Director, PCol. Wilson Asueta at Pasig CPS.
“Magpapatuloy ang pagtugis namin sa mga sources, nagtutulak, nagbebenta at iba pang may kinalaman sa ilegal na droga upang hindi na sila makapangbiktima pa ng iba,” aniya.