Mukhang talagang wala nang tigil ang dating ng pasakit sa ating bansa nitong mga nakaraang araw dahil heto at nababalita na namang tataas na naman ang presyo ng krudo sa susunod na linggo.
Ayon sa mga ulat, inaasahan ang malakihang oil price hike sa susunod na linggo, partikular sa diesel na posibleng umabot sa P5 per liter.
Batay umano sa galaw ng presyuhan ng krudo sa world market nitong Agosto 22 hanggang 25, maaari umanong umabot ng P5.40 hanggang P5.70 kada litro ang madagdag sa presyo ng diesel.
Maglalaro naman sa P1.30 hanggang P1.60 per liter sa presyo ng gasolina.
Kinumpirma na umano ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na posibleng umabot nga ng higit P5 per liter ang itaas sa presyo sa diesel at tinatayang nasa P1 per liter naman sa gasolina.
Kabilang umano sa nakakaapekto sa pagmahal ng krudo sa world market ang tumataas na pangangailangan ng US at Europe sa produktong petrolyo na epekto pa rin ng Russia-Ukraine war.
Inaanunsyo ng mga kompanya ng langis sa Pilipinas ang pagbabago sa presyo ng mga produktong petrolyo tuwing Lunes, at ipatutupad ito sa Martes.
Talagang hanggang ngayon ay hindi pa rin tayo nakakaalpas sa kapit ng mga pangyayari sa ibang bansa, dahil kahit napakalayo na ay apektado pa rin ang bansa lalo na sa paggalaw ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Wala naman tayong magagawa kundi ang maghanap pa ng ibang paraan upang makatipid. At bukod pa riyan, hindi pa rin nawawala ang banta pandemya.
Sana lamang ay makagawa na talaga ng paraan ang pamahalaan upang maibsan kahit kaunti ang hirap na nararanasan ng ating mga kababayan.