DSWD aid sa Davao City, pinilahan

Nagpapatuloy ang pamimigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng educational assistance sa Davao City at ayon sa pulisya, aabot sa mahigit 1,000-katao ang pumila sa DSWD office sa Davao City.

Mula sa Sta. Ana Elementary School, umabot hanggang Chavez St. sa Davao City ang pila Sabado ng umaga at ang ilan sa kanila ay madaling-araw pa nagsimulang pumila. Tiniis din nila ang init ng araw ngayong Sabado ng umaga para makakuha ng ayuda.

Ayon sa PNP, mas maayos ang sistema ngayon dahil sa ipinatupad na dropbox scheme ng DSWD XI.

Pagkatapos maihulog ang mga requirements sa dropbox, hihintayin na lamang nila ang text mula sa ahensya para sa payout.

“Yung volume ng tao, pare-pareho pa rin, pero mas maganda na ’yung sistema ngayon. Mas maayos na ang pila, hindi na ’yung nag-uunahan,” sabi ni Police Lt. Kim Vianney Pomperada ng Sta. Ana Police.

Ayon sa DSWD XI, umabot sa mahigit 3,300 ang nakatanggap ng ayuda sa unang Sabado ng educational assistance distribution.

Samantala, pumunta sa bagong venue ang mga estudyante at magulang na taga-Naga City na nais kumuha ng educational cash aid ng DSWD.

Napagdesisyunan kasi ng DSWD-Bicol na gawin ang pamamahagi ngayong ikalawang Sabado sa Capitol Convention Center dahil maliit ang People’s Hall na nasa Naga City Hall compound.

Higit kalahating oras umano ang biyahe at higit P100 ang pamasahe mula Naga papunta sa bagong venue na nasa bayan ng Pili, Camarines Sur.

Kaya nagdesisyon si Naga Mayor Nelson Legacion na ihatid at sunduin sila gamit ang ilang sasakyan ng city government.

Nakatakdang pakiusapan ng opisyal ang DSWD na sa Naga City gawin sa susunod na mga Sabado ang payout para sa mga benepisyaryo mula sa Naga at ilang kalapit-bayan para hindi na sila mahirapan.
Sa ilang bahagi naman ng Cebu, maayos naman umanong isinagawa ang distribution ng student aid.

Ayon kay DSWD Regional Director Shalaine Lucero, nagpatupad sila ng tatlong hakbang para mas organisado ang pagbigay ng ayuda.

Una, tinitingnan ang mga supporting documents ng aplikante. Pangalawa, nagkakaroon ng assessment ang mga social worker, at pangatlo ang pagbigay ng ayudang pera.

Ang naka-schedule ngayong Sabado ay mga piling lungsod at bayan sa Cebu Province at hindi na kasama ang highly urbanized cities.

Ang mga nakatanggap lang din ng text o email confirmation ang binigyan ng ayuda.

Ani Lucero, sa mga hindi nakatanggap ng text o email ay maaaring sa susunod pa na mga Sabado ang schedule nila.
Magtatagal hanggang Sept. 24 ang bigayan ng ayuda.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *